Nilinaw ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Attorney Nicholas Kaufman na isa sa malaking hindi naunawaan sa dating pangulo ang mga binitawan niyang pahayag noon.
Sa panayam ni Atty. Kaufman sa media at mga Duterte supporters sa The Hague, Netherlands ngayong Martes, Agosto 26 ibinahagi niyang may kalayaang pumili ang mga tao sa mga pahayag na napakinggan nila noon sa dating pangulo batay sa kanilang interes.
“The speeches which have been selectively chosen. People can choose speeches that can suit their purposes,” saad ni Kaufman.
Ngunit iginiit niyang sa kabila ng mga nasabi ni ni FPRRD noon, marami rin siyang ginawang mga pahayag na hindi raw sumusuporta sa polisiya ng kontrobersyal na pangyayari noon kaugnay sa Extrajudicial Killings (EJK) sa Pilipinas.
“But the former president made plenty of speeches which don’t necessarily support a policy of extrajudicial killing,” anang Kaufman.
Pagtutuloy pa ng abogado, sadya lamang na hindi nahihiyang sabihin noon ni dating Pangulong Duterte ang makukulay na salita sa kaniyang mga pahayag sa publiko.
“He was a person who wasn’t shy of using, can we put it [in] colorful language,” aniya.
Dagdag pa niya, “[B]ut he’s probably one of the most popular politicians the Philippines has ever had. And there’s a reason for that.”
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Kaufman, buo ang tiwalang papayagan ng ICC interim release ni FPRRD
Samantala, sinagot din ni Kaufman sa parehong panayam ang usapin kaugnay sa inihain nilang interim release ni dating Pangulong Duterte.
Para kay Kaufman, lagi siyang kumpiyansa para sa pansamantalang paglaya ng pangulo dahil ginawa na lahat umano ng kampo nila ang makakayanan nila at napag-usapan na ito sa pandinig sa International Criminal Court (ICC).
Ngunit nilinaw ng abogado na nasa mga hukom pa rin ang pinal na desisyon kaugnay sa nasabing interim release para sa dating pangulo.
“Personally speaking, I am always confident. I can only speak for myself. I can’t speak for the judges. We have the judicial process,” saad ni Kaufman.
Dagdag pa niya na ginawa na ng kampo nila ang lahat, “We’ve done the best we can. We argued [about] everything possible. We just hope that the judges will agree.”
Mc Vincent Mirabuna/Balita