December 13, 2025

Home BALITA National

Sen. Bato sa pagsibak kay Torre: 'Galit ako sa ginawa niya, pero ngayon naaawa ako sa kaniya!'

Sen. Bato sa pagsibak kay Torre: 'Galit ako sa ginawa niya, pero ngayon naaawa ako sa kaniya!'
Photo courtesy: MB

Nagbigay ng reaksiyon si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa hinggil sa pagkakatanggal kay P/Gen. Nicolas Torre III bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).

Sa panayam ng media kay Sen. Bato, sinabi niyang bagama't galit siya sa ginawa ni Torre kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pastor Apollo Quiboloy, nakakaramdam daw siya ng awa ngayon sa sinibak na dating opisyal ng kapulisan.

"Galit ako sa kaniya, sa ginawa niya, kay Pastor Apollo Quiboloy at kay President [Rodrigo] Duterte. Pero ngayon naaawa ako sa kaniya. Dahil no'ng ginawa niya lahat-lahat, binigyan siya ng position, tapos sinibak na rin siya," aniya.

Dagdag pa ni Dela Rosa, ito raw ay isang patunay na "walang forever" sa anumang posisyon sa gobyerno.

National

'Admin, Duterte group, liberal groups dapat magkaisa para sugpuin korapsyon!'—Ex-PNR Chair Macapagal

"Well, it just goes to show na walang forever. That's the reality sa serbisyo. Anytime you can be relieved, so you have to be ready. You have to be ready," aniya.

Si Dela Rosa ay minsan nang naging hepe ng pulisya ni dating Pangulong Duterte noong 2016, bago tumakbo bilang senador at tuluyang pasukin ang politika.

Si Torre ay nagsilbi bilang hepe ng pulisya sa lalawigan ng Samar, Lungsod Quezon, at Rehiyon ng Davao. Sa huling posisyon, pinamunuan niya ang operasyon ng pulisya upang ipatupad ang arrest warrant laban kay Pastor Apollo Quiboloy, tagapagtatag at pinuno ng Kingdom of Jesus Christ church, na kinasuhan ng human trafficking at iba pa. Tumagal ng 16 na araw ang pag-aresto bago nasukol ang nabanggit na dating senatorial candidate. Dahil dito, muntikan pa siyang madeklarang "persona non grata" sa lungsod.

Noong Marso 2025, bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), inaresto ni Torre si dating Pangulong Rodrigo Duterte batay sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) para sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan.

Matapos ang pagsibak kay Torre, kinumpirma ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. bilang bagong Philippine National Police (PNP) Chief nitong Martes, Agosto 26.

KAUGNAY NA BALITA: Torre, sinibak sa puwesto bilang PNP Chief

KAUGNAY NA BALITA: Pagsibak kay Torre, 'new direction' ni PBBM sa PNP—Remulla

KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Si P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bagong PNP Chief