December 13, 2025

Home BALITA National

Roque sa isyu ni Torre at NAPOLCOM: 'Binalewala niya pati ang Presidente!'

Roque sa isyu ni Torre at NAPOLCOM: 'Binalewala niya pati ang Presidente!'
Photo courtesy: Harry Roque, Nicolas Torre III (FB)

Naglabas ng pahayag ang dating presidential spokesperson at abogadong si Harry Roque kaugnay sa pagsibak kay dating Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III.

Ayon sa naging live ni Roque ngayong Martes, Agosto 26 sinabi niyang kaya nasibak sa puwesto si Gen. Torre III ay dahil pinangunahan nito ang Presidente.

“Well, gustong magtalaga ng sarili niyang tao itong si Diwata [Gen. Torre]. At ang ginawa niya ay nag-appoint siya ng ibang tao, tinanggal niya sa puwesto si Nartatez, at nagtalaga siya ng sariling tao na nabalewala naman ng NAPOLCOM,” pagkukuwento ni Roque.

Ipinaliwanag ni Roque na kahit may karapatan umanong magtalaga sa puwesto ang isang PNP Chief, ang Pangulo pa rin ang may totoong kapangyarihan sa ganitong usapin.

National

'Admin, Duterte group, liberal groups dapat magkaisa para sugpuin korapsyon!'—Ex-PNR Chair Macapagal

“Sa batas na bumuo ng NAPOLCOM kasi, bagama’t ang Chief PNP ay may recommendatory powers, hindi talaga siya appoint in powers. Syempre ang Presidente pa rin ang appoint in powers dyan upon recommendation of NAPOLCOM,” saad ng dating spokesperson.

Idiniin ni Roque na doon nagkamali si Gen. Torre sa pag-aakalang hindi siya umano magagalaw ng Malacañang at sa paglaki ng kaniyang ulo.

“Doon nagkamali si Diwata. Siguro dahil sa katapatan na pinakita niya kay Marcos Jr. at nakita n’yo naman ‘yong kaniyang video diyan sa Cagayan na siya ay pa[d]ating sa isang function, aba ay daig pa ang Presidente sa dami ng escort,” ‘ika ni Roque.

Dagdag pa niya, “[S]o ang ibig sabihin, pumasok sa ulo nitong si Diwata na ang kaniyang katapatan ay parang magiging garantiya na siya ay untouchable ng Malacañang. Dyan siya nagkamali dahil pumalag itong si Jonvic Remulla.”

Iginiit naman ni Roque na bagama’t hindi nila kapartido si Remulla ay nirerespeto pa rin niya ang kakayahan at mga karanasan nito.

Sa pagpapatuloy pa ni Roque, binigyang-diin niya ang pagkakamaling nagawa umano ni Torre.

“Hindi sa dahil binalewala niya ang NAPOLCOM. Kung hindi, binalewala niya pati ang Presidente. Na ang Presidente mismo ang magdedesisyon kung sino ang dapat masibak at kung sino ang dapat na ma-appoint,” anang Roque.

Tinawag din ng dating spokesperson ang nasibak na heneral na isang berdugo.

“Sa tingin ko, hindi kapuri-puri ang mga nagawa ni General Torre. Tingin ko’y siya ay isang berdugo,” ani ni Roque.

KAUGNAY NA BALITA: Naunsyaming tapatang Duterte-Torre, pumaldo ng tinatayang ₱15M

Binalikan din ni Roque ang ilang kaganapan noon sa pagitan ni Gen. Torre at acting mayor ng Davao City na si Baste Duterte.

Matatandang nauwi sa isang charity boxing match ang pagpapasaring ni Baste kay Torre ngunit hindi dumalo sa nasabing petsa si acting mayor ng Davao.

Ayon sa ulat, umabot sa mahigit ₱15 milyon ang nalikom ng nasabing event.

Bukod dito, nabanggit din ni Roque sa kaniyang The Spox Hour ang ginawang paghuli noon ng heneral sa pastor na si Apollo C. Quiboloy.

Ganoon din ang pag-aresto ni Torre kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at pagsuko niya dito sa International Criminal Court (ICC).

Mc Vincent Mirabuna/Balita