December 13, 2025

Home BALITA

'Parang si Alice Guo Part 2?' Sen. Risa, naalarma sa isang PCGA member

'Parang si Alice Guo Part 2?' Sen. Risa, naalarma sa isang PCGA member
Photo courtesy: Senator Risa Hontiveros (FB), Global Ferronickel Holdings, Inc.

Nabigla si Sen. Risa Hontiveros nang mapag-alamang naging miyembro ng Philippine Coast Guard Axiliary (PCGA) ang isa umanong “Filipino-Chinese” businessman noon pang 2018.

Kinilala ang nasabing “FilChi” businessman na si Joseph Sy, ang chairman ng mining company na Global Ferronickel Holdings, Inc., na napag-alamang nasakote ng Bureau of Immigration (BI) noong Huwebes, Agosto 21, 2025, matapos nitong pekein ang mga dokumento nito.

Mababasa sa Facebook post ni Hontiveros na tila ito ay kapareho ng kinasangkutang isyu ng dating dismissed Bamban, Tarlac mayor na si Alice Guo.

“Parang si Alice Guo Part 2 ito: nagpapanggap na Pilipino, may pekeng passport, at mga pekeng ID,” ani Hontiveros.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

“Mukhang andyan pa rin ang mga butas sa pagproseso ng ating nasyonalidad,” dagdag pa niya.

MAKI-BALITA: Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, arestado na!-Balita

Inihayag din ng senadora ang kaniyang kalungkutan matapos malaman ang insidente.

“Bagama’t voluntary at non-government ang PCGA, nakakalungkot isipin na nagka-access si JOSEPH SY sa mga tao at events kung saan maaaring napag-uusapan ang national security,” aniya.

Inilahad din ng mambabatas na nakatanggap umano ng honorary rank sa ilalim ng dating administrasyon ang nasabing businessman.

“Hindi lang local na pamahalaan ang pinasok, nakalapit na din sa mismong coast guard— ang mismong naatasang pangalagaan ang seguridad ng ating dagat,” anang mambabatas.

“Kapag nalulusutan ang ating mga institusyon at papeles, nalulusutan rin ang ating soberanya,” dagdag pa niya.

Samantala, hinihiling at isinisigaw naman ng ilang Philippine mining group ang agarang pagpapalaya sa nakapiit na businessman.

Vincent Gutierrez/BALITA