Inanunsyo ng Department of Health (DOH) ang pagbubukas ng libreng Special Nursing Review Program (SNRP) para sa mga underboard nurses kamakailan.
Ayon sa Facebook post ng DOH, ang mga papasok sa programa ay maaari ding mag-apply bilang Clinical Care Associates (CCAs) sa DOH hospitals bilang kanilang upskilling o pagkuha ng experience at dagdag-kaalaman habang naghahanda para sa Philippines Nursing Licensure Examination (PNLE).
Ang nasabing programa ay tumatanggap ng application hanggang Setyembre 5, 2025.
At para sa mga nais pumasok sa programa, abiso ng DOH na mangyari lamang na pumunta sa pinakamalapit na DOH-Hospitals at makipag-ugnayan sa mga Chief Nurses; o di kaya naman ay pumunta sa Centers for Health Development (CHDs) at makipag-ugnayan sa Training Specialists (TS).
Sa kaugnay na balita, parte ito ng Joint Administrative Order (JAO) on Implementing Guidelines for the Nurse Workforce Complementation and Upskilling Program na pinirmahan nina DOH Secretary Teodoro Herbosa at dating Commission on Higher Education (CHED) chairperson Prospero De Vera III noong Hulyo 2023.
Layon nitong bigyang-solusyon ang kakapusan ng mga nurse sa bansa sa pamamagitan ng pagtulong sa mga itong maging CHED-certified at maging kwalipikado sa pagiging CCA habang naghahanda sa PNLE.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Memorandum of Understanding (MOU) signing noong Setyembre 2023, na kasama sa programa ang pagbibigay pagkakataon sa unregistered nurses na maka-attend sa mga tutorial at klase na maaaring mas makapagpataas ng posibilidad ng pagpasa nito sa board examination.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, hinikayat healthcare workers na huwag umalis ng bansa
Sean Antonio/BALITA