Ibinunyag ni Civil Service Commission (CSC) chairperson Marilyn Barua-Yap sa Commission on Appropriations budget briefing sa Kamara nitong Martes, Agosto 26, na ang kanilang budget ay talagang nauubos sa mga nagdaang taon.
Ayon kay Barua-Yap, hindi umano malaki ang budget na hinihingi nila para sa CSC.
“Isa po kami sa pinakamaliit ang budget sa ating buong budget,” aniya.
“For the past three years, ito po ang mga naging budget ng Civil Service Commission, hindi po masyadong napapansin. 2023 ay 2.1 bilyon, 2024 ay 2.3 bilyon, maliliit lang po ang dagdag, 2025, 2.7 bilyon, medyo malaki-laki ang dagdag, sa Fiscal Year 2026, it is 4.188 bilyon,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ng chairperson na mahirap ipaliwanag kung bakit ito milagrosong lumobo, ngunit madali rin umano dahil sa isang bagay.
“There are minimal adjustments for personal services, for operations for MOOE, pero ang pinkamalaking kagat po sa increase ay ang funding ng Philippine Civil Service Modernization Program (PCSMP), which is [a] World Bank-funded digitalization transformation program,” ani Barua-Yap.
Inilahad din niya ang budget utilization rate ng CSC na aniya’y kapuri-puri umano.
“Ang amin pong budget utilization rate ay kapuri-puri naman po, sa 2023 nauubos po namin, kasi kakaunti lang naman. Joke lang po, huwag po kayong magagalit,” anang chairperson.
“99.99% kinakayod namin ‘yong ilalim, sa 2024, naubos po talaga, 100%, as of June 2025, 46.29% na po ang aming budget utilization rate,” dagdag pa niya.
Nang ibahagi ng CSC chairperson ang kanilang requested budget for Fiscal Year 2026, dito umano’y nagmamakaawa ito na mapagbigyan ang proposal ng CSC.
“Ito na po ‘yong kami ay magmamakaawa po sa inyo, kung maaari pong hagurin ng Panginoon ang inyong mga puso, damdamin at isip,” aniya.
“Pinapalakas ko lang po ang aking loob. The Civil Service Commission requested a 6.5 billion, originally for 2026. Sa NEP, ang naipasok lang po ay 4.188 billion for the CSC proper, which means 4.2 billion including the CESB,” dagdag pa nito.
Isiniwalat din niya na matagal na umano siyang nagtatrabaho sa Kongreso kung kaya’t alam niya kung bakit nababawasan ang listahan ng proyekto na hinihingi sa gobyerno.
Ayon pa kay CSC chairperson, ang prayoridad ng kanilang proposed budget ay ang rollout ng National Digital Leadership Program Training.
“Kailangang i-enable ang mga heads ng offices natin na pumasok na sa stream ng digitalization. Kaya po hindi kumakapit ang digitalization sa ating mga opisina, kasi ang tingin ng karamihan ang computer ay typewriter. I think they have not truly appreciated the magic or power of digital equipment,” aniya.
“Paano natin ilalapat ang modernization program, ‘yong bureaucracy wide na human resource management information system, kung itong ating mga arms in the local areas, hindi nila alam papaano ito gamitin,” dagdag pa niya.
Matatandaang CSC ang responsable sa pagsisiguro na mayroong sapat at “competent” na serbisyo-publiko sa bansa.
Napag-alaman ding ang kanilang proposed budget ngayong taon ay mas mataas ng halos 66% kumpara noong 2025.
Vincent Gutierrez/Balita