January 05, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Paw-fect food treats para kay furbaby

ALAMIN: Paw-fect food treats para kay furbaby
Photo courtesy: Unsplash

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang mga aso ay ang tinaguriang “man’s best friend,” kung kaya’t alam dapat ng bawat isa kung ano ang “best” para sa kanila.

Ngayong International Dog Day, ipagdiwang at gunitain ang mahalagang selebrasyon na ito sa pagtuklas ng mga pinaka-swak na pagkain para sa mga furbabies.

1. Chicken (Cooked and Unseasoned)

Ang manok ay isang pagkain na bukod sa masarap na, puno pa ng nutrisyon. Kung bibigyan mo ang iyong furbaby nito, tiyak magugustuhan niya ito.

Human-Interest

ALAMIN: Gaano katagal bago mapanis mga hinandang pagkain noong holiday?

Ang mga manok ay mayaman sa protina at mababa ang fat content. Swak din itong pagkain ng mga alagang aso kung sila ay dumadanas ng stomach issues.

Lagi lamang pakatandaan na ang mga manok ay gawin lang na supplement o treat, at huwag isama sa kanilang daily diet. Huwag ding isama ang mga buto ng manok sa pagkain nila sapagkat maaari itong bumara sa kanilang lalamunan at maaari nitong ma-damage ang kanilang gastrointestinal (GI) tract.

2. Beef (Cooked)

Ang beef ay isang pagkain na puno ng protina, na nagtataglay ng napakaraming amino acids, bitamina, at mga mineral na swak para maging healthy si furbaby.

Kung bibigyan mo ang iyong furbaby ng beef, siguraduhing ito ay luto upang maiwasan ang panganib ng bacteria at iba pang mga sakit.

3. Eggs

Ang itlog ay isa ring good treat para sa iyong furbaby, sapagkat ito ay may protina, bitamina A, B, D, at K. Ito rin ay nagtataglay ng selenium, calcium, at zinc, na maganda upang mapaganda ang kabuuang kalusugan ng iyong alagang aso.

Iwasang bigyan sila ng hilaw na itlog upang makalayo sila sa panganib ng salmonella. Maaari mo namang lutuin ang itlog nang pa-scramble, o kaya naman ay nilaga.

4. Fish (Cooked and Unseasoned)

Ang mga isda, lalo na ang salmon, ay mayaman sa protina at amino acids, na siyang kailangan ng iyong alagang aso upang mapabuti ang kaniyang katawan at kalusugan.

Mayroon din itong omega-3 fatty acids, na mabuti naman sa kaniyang puso.

Siguraduhin lamang na tanggalin ang tinik ng mga isda kung ito ay ipakakain sa iyong furbaby, ngunit hayaan na ang tinik kung sardinas naman ang ipakakain sa kanila.

Ibigay din ito sa kanila nang dalawang beses kada linggo.

5. Mansanas

Sa kasabihang “an apple a day, keeps the doctor away,” sinisiguro ng mga tao na ito ay masunod upang maging healthy at maiwasan ang mga sakit. Ngunit napag-alamang pati sa mga aso, maganda rin pala ang pagkain ng mansanas!

Ang mga mansanas ay mabuti para sa mga aso sapagkat ang prutas na ito ay naglalaman ng fiber na maganda para sa digestion ng mga alagang aso, bitamina A para sa pagpapatibay ng buto, pagpapaganda ng kutis at immune system, at bitamina C na nag-iiwas sa mga aso sa panganib ng cardiovascular diseases.

6. Saging

Kung may edad na ang aso at nagtataglay na ito ng mga sensitibong ngipin, mabuting bigyan ito ng saging sapagkat ito ay malambot at madaling kainin. Sa kabilang banda, mayaman din ito sa mga bitamina at mga mineral tulad ng fiber, bitamina 9A na mabuti para sa cell growth, lectin na maganda para mapanatili ang blood sugar, at potassium na mabuti sa bato ng mga furbabies.

Mayroon din itong tryptophan na isang amino acid para mapaganda ang sleep-wake cycle ng aso, ang gana nito kumain, pati ang kaniyang mood.

7. Blueberries

Ang blueberry ay isang prutas na mayaman sa bitamina at antioxidants tulad ng A, C, at K, na mag-iiwas sa iyong furbaby sa mga sakit. Isa pang benepisyo ng blueberry ay ang masarap nitong lasa kaya siguradong mae-enjoy ito ng iyong alaga.

8. Carrots

Ang mga carrots ay magandang treats para sa mga aso. Ang pagka-“crunchy” nito ay makatutulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng “plaque” sa ngipin ng iyong furbaby. Ito rin ay mayaman sa bitamina A na swak sa eyesight ng iyong aso.

Tandaan lamang na ang mga carrots ay maaari ding magdulot ng pagkabara sa daluyan ng pagkain at hangin ng iyong mga aso, kaya siguraduhin na ibigay sa kanila ito nang may sapat na laki.

9. Cauliflower (Unseasoned)

Ang cauliflower ay isang gulay na mayaman sa fiber, antioxidants, folate, at potassium. Mayroon din itong manganese, choline, phosphorus, at sulforaphane na swak sa diet ng iyong alaga.

Ngunit tandaan na bigyan lamang ang iyong furbaby nang kaunting serving upang maiwasan ang “bloating” o “gassy stomach.” Siguraduhin ding hindi lalagyan ng kahit anong seasoning upang mapanatiling fresh ang gulay na kakainin ng aso.

10. Celery

Maganda sa katawan ng mga aso ang celery sapagkat mababa ang fat content nito. Isa pa, mayaman ito sa bitamina A, C, K, at pati na rin sa fiber. Mayroon din itong folate, potassium, at manganese, na swak para sa metabolism ng iyong furbaby. Makatutulong din ang celery upang ma-freshen ang hininga ng iyong alaga.

Huwag lang kalilimutang bigyan nito ng maliliit lamang na serving ang mga aso sapagkat ang celery ay isa ring “choking hazard” para sa kanila.

Hindi lamang ngayong International Dog Day dapat bigyang halaga ang mga alagang aso. Espesyal man ang araw na ito para sa kanila, huwag sanang kalimutan na dapat araw-araw silang bigyan ng pagpapahalaga at pagmamahal.

Vincent Gutierrez/BALITA