Tila nasupresa ang marami nang maiulat nitong Martes, Agosto 26, ang tungkol sa biglang pagsibak kay Police Major General Nicolas Torre III bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).
Batay sa inisyung memorandum ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin noong Lunes, Agosto 25, inatasan si Torre ng proper turnover.
"For the continuous and efficient delivery of public services in the PNP, you are hereby directed to ensure proper turnover of all matters, documents, and information relative to your office," saad sa liham.
Maki-Balita: Torre, sinibak sa puwesto bilang PNP Chief
Samantala, isang linggo bago ito, kinumpirma ng Palasyo ang pagbibitiw ni National Bureau of Investigation (NBI) director Jaime Santiago sa puwesto noong Agosto 16.
Batay sa mga ulat, nakasaad umano sa liham ni Santiago na nag-ugat ang pagbibitiw niya dahil sa “orchestrated move” na nagtatangkang dungisan ang reputasyon niya.
Aniya, “Detractors and those who have a sinister interest in my position incessantly make moves to blemish my reputation.”
“I cannot allow this seemingly orchestrated move to blacken my reputation, which I have built through the years,” dugtong pa ng dating director.
Gayunman, hindi na pinangalanan pa ni Santiago kung sino ang nasa likod ng tinutukoy niyang “orchestrated move.”
Hindi tuloy naiwasan ng mga taong bumuo ng sari-sarili nilang hula at haka sa nangyari. Kutob ng ilan, nakatakda umanong palitan ni Torre si Santiago sa binakante nitong posisyon sa NBI.
Ngunit kwalipikado kaya si Torre para maging director nito?
Matatandaang bago hirangin bilang ika-31 hepe ng PNP, nagsilbi siya bilang ika-42 Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director noong Setyembre 2024. Siya rin ang kauna-unahang alumnus sa kasaysayan ng Philippine National Police Academy (PNPA) na naging pinuno ng kapulisan.
Bukod dito, namuno rin siya bilang hepe ng Quezon City Police District noong 2022 at kaalunan ay naging director ng Police Regional Office sa Davao noong Hunyo 2024.
Ilan pa sa mga katungkulang ginampanan ni Torre ay ang mga sumusunod: Deputy Regional Director for Operation, Chief of Regional Staff, Deputy Director ng PNPA, Deputy Director for Operations ng CIDG.
Pero base sa Republic Act (RA) 10867 o kilala rin bilang National Bureau of Investigation (NBI) Reorganization and Modernization Act, nasa kamay ng pangulo ang pagluluklok sa director ng naturang burukrasya.
Ayon pa rito, kinakailangang natural-born citizen ang hihiranging director. Kasapi rin siya dapat ng Philippine Bar at babad sa law practice nang hindi bababa sa 15 taon, mas mabuti kung mula sa hanay ng mga director sa chain of command ng NBI.
Samantala, kung pagbabatayan ang mga ulat, walang anomang banggit tungkol sa pagkakaroon ni Torre ng law degree. Ngunit bago siyang nakatuntong sa PNPA, nakakuha siya ng 72 academic units sa Mapua University sa ilalim ng electronics at communications engineering program.