December 14, 2025

Home SHOWBIZ

'Akala ko nakapatay ako!' Kristoffer Martin nasangkot sa aksidente sa Marcos Highway

'Akala ko nakapatay ako!' Kristoffer Martin nasangkot sa aksidente sa Marcos Highway
Photo courtesy: Kristoffer Martin (FB)

Ibinahagi ni Kapuso actor Kristoffer Martin ang nangyari sa kaniya matapos masangkot sa isang aksidente noong Lunes, Agosto 25, sa kahabaan ng Marcos Highway.

Mababasa sa Facebook post ni Kristoffer na isa umanong lasing na motorcycle rider ang nakabunggo sa kaniya matapos nitong mag-counterflow, na nagresulta sa kaniyang pagkakatilapon.

“Chineck [ko] lang sapatos ko if nakaclipped-in. Tapos ang bilis ng nangyari. May nagcounterflow na motor. Lasing. Tumilapon na ako,” ani Martin.

Duguan din umanong bumagsak ang rider sa kalye, ngunit mapalad na buhay pa. Nagpasalamat naman sa Diyos ang aktor matapos malaman ito.

Relasyon at Hiwalayan

‘Totoo na!’ Kiray Celis, kinasal na!

“Si kuya nakita ko bumagsak tapos duguan na. Akala ko nakapatay ako. Lord salamat buhay si kuya. At minor injuries lang sakin,” anang aktor.

Ibinahagi rin niyang magdamag siyang nasa piitan, nag-aabang ng balita kung ano na ang kalagayan ng rider.

“Pero ‘yong ang tagal ko sa presinto nag-aabang ng news if buhay ba si kuya, ‘yon ‘yong iniisip ko magdamag. At the end of the day, parehas kaming buhay. ‘Yon pa rin [ang] pinakamalaking pasasalamat ko,” aniya.

Nagpaalala naman siya na na mag-ingat ang lahat at palaging isipin na may pamilyang naghihintay sa kanila na makauwi.

Samantala, nag-abot din ng pasasalamat ang aktor sa lahat ng mga nangumusta sa kaniya, na ibinahagi niya sa kaniyang Instagram story.

“To all my friends and other people who’s checking on me. I’m okay. Thank you. Appreciate ko kayo lahat,” aniya.

Vincent Gutierrez/BALITA