Kinilala ni Vice President Sara Duterte ang mga modernong bayani sa kaniyang mensahe para sa National Heroes Day nitong Lunes, Agosto 25.
Sa Facebook post ng Pangalawang Pangulo, nagpaabot ng pasasalamat si VP Sara sa overseas Filipino workers (OFWs), mga sundalo, guro, doktor, nars, at healthcare workers na patuloy na nagsisikap, nagsasakripisyo, at naninilbihan sa loob at labas ng Pilipinas.
“Bigyang-pugay natin ang lahat ng mga nasa Hukbong Sandatahan na araw-araw ay humaharap sa panganib upang masigurong ligtas ang ating komunidad. Kinikilala din natin ang lahat ng mga guro, doktor, nars, at lahat ng mga frontline workers na nagsisilbi sa ating lipunan,” pagkilala niya sa kabayanihan ng mga kasundaluhan ng bansa at determinasyon ng mga manggagawa.
“Pasalamatan din natin ang ating mga Overseas Filipino Workers na nagsisikap, nagsasakripisyo, at tapat na nagtatrabaho para sa kanilang mga pamilya at sa bansa,” dagdag nito para sa sakripisyo ng mga OFW.
Kaniya ring inalala ang mga kababayang nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay para sa kapakanan at kasarinlan ng bansa.
At pagtatapos ng kaniyang mensahe, hinimok din niya ang mga Pilipino na gamitin ang kakayahan para baguhin ang takbo ng buhay at bansa.
“Sa bawat Pilipinong lumalaban para sa pamilya, sa kapwa, at sa bayan, kayo ay bayani. Tayong lahat ay may kakayahan na baguhin ang takbo ng ating buhay at ng ating bansa. Pagpupugay ang alay ko sa bawat Pilipinong pumipili na maging bayani sa makabagong panahon.”
Sean Antonio/BALITA