Inamin ni Unkabogable Star at "It's Showtime" host Vice Ganda na wala siyang kamalay-malay na katakot-takot na bash na pala sa social media ang inabot niya, matapos ang kontrobersiyal na jet ski holiday joke niya sa concert nilang "Super Divas" ni Asia's Songbird Regine Velasquez-Alcasid, na ginanap sa Smart Araneta Coliseum noong Agosto 8 hanggang 9.
Sinabi ito ni Vice Ganda nang ibida niya sa Saturday episode ng noontime show, Agosto 23, ang natanggap na "Best Actor" award para sa pelikulang "And The Breadwinner Is" sa naganap na Gabi ng Parangal ng 73rd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) noong Biyernes, Agosto 22.
Sa sobrang saya nga raw ni Meme Vice, hindi raw siya nakatulog matapos matanggap ang tropeo ng pagiging Best Actor. "Biggest clapback" daw ang nabanggit na parangal sa lahat ng insultong natanggap niya.
“Ang saya-saya ko po. Sabi ko nga kay Ion, ang saya ko naman lately kahit ang daming nangyayari sa paligid ko, pero ewan ko bakit ang saya-saya ko, pero hindi ko alam kagabi, nabigla ako meron pa pala akong isasaya… si Lord talaga grabe Siya tumayming, iyang trophy na ‘yan, that’s the biggest clapback,” aniya.
Nagpasalamat naman si Vice Ganda sa Diyos dahil tumayming daw ang pagbibigay ng award sa panahong "kailangan" niya.
“Lord thank you very much for making me win win win, no matter what. Hindi ka laging ipapanalo ni Lord sa oras at sa pagkakataong gusto mo. Ipapanalo ka Niya sa tamang pagkakataon kasi Siya ang nakakaalam kung kailan."
"Maybe I should have won this award noon pa, pero baka hindi ko kailangan noon. Sabi ko nga, maybe He made me win because He wanted to redeem me.”
“Just last week, hindi ko alam na bina-bash ako nang malala kasi hindi ako nagso-social media. Right after the concert, I just decided to rest. I was very, very tired physically, mentally, and spiritually. Sabi ko, papahinga lang ako nagpunta akong Singapore. Hindi ko alam na bina-bash ako,” aniya.
“Kaya ‘yong sinasabi nila, ‘Are you okay?’ Okay ako kasi hindi ako nagbabasa, pero alam ko kung anong nangyayari. Sabi ko, 'Lord, hindi ko naman hawak ang cellphone ng mga tao, so hindi ko mako-control kung ano ang ipipindot at ipo-post nila about me. Sabi ko… Lord, ikaw na bahala sa akin. You control me,” aniya pa.
Matatandaang naging dahilan pa ang concert para ipanawagang i-boycott lahat ng endorsement ni Vice Ganda, partikular ang isang sikat na fast food chain.
Nag-ugat ito sa birong skit ni Vice Ganda sa isang performance nila ni Regine, na tumutukoy sa naging pahayag noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa West Philippine Sea, at sa International Criminal Court (ICC), na nagdulot ng halo-halong reaksyon mula sa mga netizen, lalo na sa mga Diehard Duterte Supporters o DDS.
"Nothing beats a jet ski holiday, right now from Manila to the West Philippine Sea via jet ski. Get unlimited water bombing from Chinese vessels and a free trip to The Hague by the ICC. Promo applies to DDS only. Pinklawans and BBMs are prohibited. Huwag n'yo akong subukan, mga put*** ina n'yo!" ani Vice, na siyang pinalagan naman ng DDS o Duterte supporters.
KAUGNAY NA BALITA: Vice Ganda, binanatan ng Duterte supporters dahil sa paandar sa concert
Kinondena rin siya ng iba't ibang sikat na personalidad na hayagang tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kagaya na lamang ng aktres na si Vivian Velez, at dating presidential spokesperson na si Atty. Harry Roque.
KAUGNAY NA BALITA: Vice Ganda binanatan ni Harry Roque; FPRRD nakadapa na, sinipa-sipa pa!
Bukod dito, malakas din ang apelang ideklara siyang persona non grata sa Davao City.
Umaksyon naman sa panawagan ang Davao City Council subalit ang resolusyong ipinasa nila ay pagkondena sa pahayag ng comedian-TV host, at hindi siya idineklarang persona non grata.
Inihain ni Konsehal Danilo Dayanghirang, resolusyon ang naging tugon ng konseho matapos ang maraming panawagang ideklarang persona non grata si Vice Ganda sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Dayanghirang, naniniwala silang ang pagkondena sa naturang pahayag ay may kaparehong bigat. Idinagdag din niya na may mga kapwa konsehal na nagmungkahi ng mga amyenda sa resolusyon.
KAUGNAY NA BALITA: Davao City Council, naglabas ng resolution; kinondena 'jet ski' joke ni Vice Ganda!