Hindi lamang toga at diploma ang bitbit ni Kim Lavapie Magno, isang licensed professional teacher (LPT) at master’s degree graduate ng Master of Arts in Education major in English, kundi dala rin niya ang isang kuwento ng sakripisyo, pangarap, at pagmamahal—isang larawang siyam na taon bago natupad.
"Noong college, wala akong creative shot. Gusto ko pero hindi ko pa afford. Kaya sabi ko sa grad school na lang... kung makaka-graduate," mababasa sa kaniyang viral Facebook post noong Agosto 13, 2025.
At ngayong siya ay nagtapos na, natupad din ang matagal na niyang pangarap na kuha: nakasuot ng itim na toga, nakangiti sa tabi ng kaniyang ina na si Rosita Lavapie, isang balut vendor, solong magulang, at “psoriasis warrior.”
Siyam na Taon ng Paghihintay
Ayon kay Magno, matagal na niyang inisip ang “creative shot” na ito—hindi lamang para sa sarili, kundi higit sa lahat para parangalan ang babaeng nagsakripisyo upang mapagtapos silang magkakapatid.
“Ganito mismo yung shot na na-imagine ko back then. Kasi gusto ko i-honor itong eabab na ito… It took me 9 years sa MAEd, pero officially, graduation na sa Monday,” aniya.
Sa larawan, makikita ang isang inang ang magagaspang na kamay ay ilang dekada nang nagtitinda ng balut sa ilalim ng mahihinang ilaw ng lansangan.
Ngunit sa ngiting iyon, malinaw ang tagumpay—hindi lamang ng kaniyang anak kundi ng buong pamilya.
Ina, Inspirasyon, at Tunay na Mandirigma
Sa kaniyang post, ipinahayag ni Magno ang taos-pusong pasasalamat sa ina, na sa kabila ng pagiging high school undergraduate at sa lahat ng pagsubok sa kalusugan at kabuhayan, ay nagawang mapagtapos ang tatlong anak.
Sabi pa niya, si Aling Rosita ang tunay na "master."
“Salamat sa lahat ng sakripisyo mo, Ma. Ikaw ang tunay na master! Para sa’yo ito at sa lahat ng selfless and responsible na parents at guardians!” dagdag pa niya.
Higit pa sa Larawan
Para kay Magno, ang graduation photo ay hindi lamang isang souvenir. Isa itong simbolo ng pangarap na natupad, ng paghihintay na sulit, at ng pagmamahal ng isang magulang na handang isakripisyo ang lahat para sa kinabukasan ng kaniyang mga anak.
Sa isa pa niyang Facebook post noong Agosto 18, muli niyang ibinigay ang karangalan para sa kanilang mahal na ina.
"Balut vendor niyo, master na," aniya.
"Achievement hits differently kapag 7 years ng childhood mo ay balut vendor ka—aral, tinda, repeat—kasama ang nanay mong solo parent at may psoriasis."
"Kaya ngayon kahit simpleng panalo sa buhay, ninanamnam mo yung saya.. ang totoo, it feels like nai-aangat mo yung ulo mo mula sa pagkalunod sa dagat ng kahirapan. Si OA.. pero totoo.. halos rock bottom kami noon."
"Life then meant, 'Dapat maka-ubos ng tinda,' or else, either mapuputulan kami ng kuryente, or walang pangkain. Iniikot namin ang buong Intramuros, bumabagyo o hindi, while wondering if we could even survive the next day."
"Pero God knows how prayers saved us EVERY.. SINGLE.. DAY."
"Tinitipon ni Mama kaming tatlong anak niya para mag rosaryo parin, even when things were getting worse…tapos God knows why Mama was crying while praying."
"Gladly, Mama truly kept the faith. She remained hopeful pa rin sa magagandang plano ng Diyos sa buhay namin. I believe na yung confidence sa Diyos.. we’ve learned that from Mama."
"Achievement has always been God’s grace, not luck."
"Para ito sa atin na nananatiling hopeful sa mabubuting plano pa ng Diyos sa buhay natin sa kabila ng LAHAT."
"Dahil kung hindi tayo sa Diyos aasa, kanino? Soon, ikaw naman! Kaya mo yan! Diyos ang tutulong sa’yo," pagbibigay-inspirasyon ni Magno sa lahat.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Magno, ibinahagi niyang 32-anyos na siya sa kasalukuyan at 61 naman si Aling Rosita.
Sila ay naninirahan sa Tondo, Maynila. Siya ay Master Teacher I sa Doña Teodora Alonzo High School, at ang mama naman nila ay isang balut vendor simula pa noong mga bata pa silang magkakapatid, subalit pinatigil na nila.
"Matagal na namin siya pinag-stop ‘cause she deserves all the good things na pwede niya ma-experience," aniya.
Naisalaysay naman ni Master Kim sa Balita ang kaniyang academic journey sa master's degree.
Noong 2016, nag-enroll siya sa MAEd-English sa NTC. Sa 2018, matagumpay niyang naipasa ang comprehensive exam. Tatlong taon matapos nito, 2021, naipasa niya ang final oral defense—subalit may kalakip na major revisions.
Kasabay ng promosyon niya sa trabaho noong taon ding iyon, natabunan ang kaniyang thesis revisions. Unti-unti siyang binalot ng pagkadismaya at pakiramdam na “hopeless case” na ang kaniyang pag-aaral. “Dapat naka-graduate ka na eh,” aniya, paulit-ulit na bumabalik sa isip niya tuwing maiisip ang natigil na thesis.
Hanggang sa 2024, nang hikayatin siya ni Dr. Kelvin Lansang mula Philippine Normal University (PNU) na ipagpatuloy ang kaniyang thesis. Doon niya natuklasang may amnesty program sa NTC para sa mga estudyanteng may katulad niyang kaso.
Para kay Magno, hindi iyon basta pagkakataon kundi tanda ng kilos ng Diyos. “What if hindi na pala ako bumalik ng NTC? Marunong talaga ang Diyos ika nga ni Mama Rosita,” pagbabahagi niya.
Sa parehong taon, sinikap niyang matapos ang lahat ng revisions—“INILABAN LAHAT,” ani Magno—hanggang sa makompleto niya ang requirements.
Ngunit higit pa sa diploma, isang mahalagang larawan ang pinakamalaking simbolo ng kaniyang pagtatapos: ang “creative shot” kasama nga nila ng kaniyang Mama Rosita.
“Lahat ng pinakita at ginawa ni Mama naging matinding inspirasyon ko para makapagtapos sa MA,” sabi ni Magno. “Her unconditional love and support as a strong independent mother while she, herself, is battling her own challenges… She literally devoted her life sa aming tatlo niyang anak.”
Naalala rin niya kung paano, sa kabila ng psoriasis at isang sirang pagsasama, pinilit ng kaniyang ina na bumangon araw-araw upang makapagbenta ng balut at mani sa mga tunnels ng Intramuros at Pier South.
“Life then meant, ‘Dapat makaubos ng tinda,’ or else, mapuputulan ng kuryente. Pero Mama stayed strong and hopeful sa mabubuting plano ng Diyos," aniya.
At sa bawat araw ng pakikibaka, hindi kailanman nawala ang pananalig sa Diyos—lalo na sa gabi-gabing rosaryo tuwing alas-sais.
Matapos ang kaniyang graduation, plano ni Magno na ipagpatuloy ang pagiging master teacher sa pampublikong paaralan at i-apply ang kaniyang mga natutuhan upang higit na mapabuti ang proseso ng pagtuturo, una sa high school at kalaunan ay sa mas mataas na antas ng edukasyon.
Mensahe para sa Kapwa Estudyante sa Master's Degree
Para sa mga estudyanteng nakakaramdam ng parehong hirap at pangungulila sa kanilang “thesis na lang,” ibinahagi ni Magno ang kaniyang aral:
“'Yong story ko sa MAEd is something na sana hindi maranasan ng marami… Pero bilang napagtatagumpayan ko, I pray na ilaban din nila ang pangarap nila. Kasi we do not have to do it alone. Laging may Diyos na handang makatuwang," aniya.
Para kay Magno, hindi ito isang “regular graduation.” Ito ay tagumpay ng isang pamilya na minsang nangarap lamang sa tabi ng lansangan.
“Achievement hits differently kapag pitong taon ng childhood mo ay kasama mong magtinda ng balut at mani ang nanay mong may psoriasis sa madidilim na tunnels ng Intramuros at pier south.”
Sa huli, aniya: “Papuri at pasasalamat sa Diyos, for turning this multo into martsa. Para ito sa’yo, Ma, at sa lahat ng minumulto ng ‘thesis na lang.’”
At tulad ng sinabi ng kanyang kaibigang si soon-to-be Dr. Marilou Jimenez: “Ang pangarap, kapag hindi sinukuan, kadalasan, natutupad.”
Congratulations, Master Kim!