“I think dito sa Metro Manila dapat mapagtulong-tulungan natin,” ito ang panawagan ni Department of Public Works & Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan bilang solusyon sa perwisyong dala ng mga pagbaha sa Metro Manila.
Sa panayam ng Super Radyo DZBB kamakailan, ibinahagi ni Bonoan na habang patuloy ang pag-asista ng DPWH sa iba’t ibang engineering projects sa Metro Manila, mayroon pa ring ilang malalaking problema na kailangan kaharapin dito tulad ng waste management.
“Tumutulong po kami sa lahat ng bagay na pwede nating itulong,” aniya.
“Kagaya ngayon, ‘yong mga old pumping station, nire-rehabilitate po namin to increase state discharge capacities… But internal drainage and other sectors, waste management, dapat po pagtulong-tulongan natin, dapat po i-address po ‘yang mga ‘yan,” kaniyang saad sa mga kasagsagang proyekto ng departamento at ang panukalang pangmatagalang solusyon para sa pagbabaha.
Sa kaugnay na balita, ikinagalit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga palpak na proyekto at “ghost” projects sa flood control sa mga lugar na apektado ng nagdaang Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong noong Hulyo.
“Mahiya naman kayo sa inyong mga kapwa Pilipino. Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n'yo lang ang pera! pahayag niya sa kaniyang ika-apat State of the Nation Address (SONA).
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'
Ang naging patutsadang ito ng Pangulo ay nasundan ng paglulunsad ng “Sumbong sa Pangulo,” isang flood control tracker at plataporma ring nagbigay pagkakataon sa publiko para magsumbong sa mga mapapansing anomalya sa mga flood control project sa kanilang lugar.
KAUGNAY NA BALITA: 'Sumbong sa Pangulo' flood control tracker, inilunsad ni PBBM: 'Ako mismo ang babasa!'
Matapos ilunsad ng nasabing plataporma, nalaman na nangunguna ang Bulacan sa 10 probinsya na maraming flood control projects na sinundan ng Cebu, Isabela, Pangasinan, Pampanga, Albay, Leyte, Tarlac, Camarines Sur, at Ilocos Norte.
Taliwas sa listahan ng mga lugar na kadalasang mas napipinsala ng mga pagbaha: Pampanga, Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Bulacan, Maguindano, North Cotabato, Oriental Mindoro, at Ilocos Norte.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga lugar na talamak ang flood control projects
Sa pagdinig ng DPWH sa Blue Ribbon Committee ng Senado noong Martes, Agosto 19, ibinahagi ni Bonoan na “ghost” projects umano ang ilan sa flood control projects tulad ng sa Wawao Builders, Inc. para sa lungsod ng Bulacan.
“In Bulacan alone, Wawao Builders had 85 projects amounting to 5.9 billion,” saad ng kalihim.
KAUGNAY NA BALITA: DPWH Sec. Bonoan, inaming 'ghost projects' ilan sa flood-control projects ng Wawao Builders!
Sa mga susunod na pagdinig, layon ng mga opisyales na ilabas sa publiko ang mga aktwal na halagang nagamit sa katiwalian at panagutin ang mga tao sa likod ng mga anomalyang ito sa mga patuloy pang imbestigasyon.
Sean Antonio/BALITA