Kasama sa mga binigyang pagkilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Jr., sa kaniyang talumpati para sa komemorasyon ng Araw ng mga Bayani nitong Lunes, Agosto 25, ay ang mga magsasaka, mangingisda, healthcare workers, at mga manggagawa, na kilala rin bilang mga modernong bayani sa Pilipinas.
Kasama rin sa mga inalala ni PBBM ay ang mga pangalang hindi man naisulat sa mga pahina ng kasaysayan ay nagkaroon pa rin ng kontribusyon para matamasa ng bansa ang kalayaan.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, kinilala mga modernong bayani sa National Heroes Day
Kung kaya naman, kilalanin ang mga nabanggit na mga modernong bayani sa bansa at kung paano nakaapekto ang kanilang ambag sa lipunan:
Mga magsasaka
Sa bansang sagana sa mga likas na yaman at malalawak na lupain, ang agrikultura ay maituturing na “backbone” ng ekonomiya dahil sa kakayahan nitong maglagay ng pagkain sa ating mga hapag.
At sa kabila ng mga pagsubok sa larangan ng agrikultura sa bansa, dahil sa patuloy na determinasyon ng mga magsasaka.
Kung kaya’t bilang pagkilala rito, maaaring matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga initiatibo ng mga sektor at organisasyon na kumakalinga sa kanila.
At ang pagbili ng mga local na produkto mula sa kanilang sakahan o mga platapormang dumidirekta sa kanila.
Mga mangingisda
Isa rin sa mga nagpupursige para magkaroon ng pagkain sa hapag ang bawat pamilyang Pilipino ay ang mga mangingisda.
At dahil sa pagiging ika-11 na largest seafood producer sa buong mundo, ayon sa Sustainable Fisheries Partnership (SFP), kung saan, tumutulong ang industriyang ito sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapasok ng kita mula sa mga pag-export ng produktong mula sa dagat.
Nagbubukas din ito ng trabaho para sa mga nakatira sa coastal areas.
Maaaring matulungan ang industriyang ito sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga sektor at organisasyon na kumakalinga sa mga mangingisda at nangangalaga ng kalikasan.
Kasama rin sa maaaring makatulong sa mga mangingisda ang direktang pagbili ng mga huli nito o mula sa mga platapormang dumidirekta sa kanila.
Mga guro
Kilala rin bilang mga “pangalawang magulang,” ang mga guro ang kumakalinga sa pangarap ng mga kabataan sa eskwelahan bago pa ito maisakatuparan sa pamamagitan ng walang sawang paggabay, at pagtuturo.
Sa Pilipinas, mayroong mga taunang selebrasyon na nakalaan para sa mga guro, dito’y kadalasang pinapakita ng mga estudyante ang kanilang appreciation para sa mga guro.
Sa mga initiatibo at probisyon naman ng gobyerno, mayroon ding mga batas na nagbibigay suporta sa mga guro tulad ng RA 4670 o ang Magna Carta for Public School Teachers na naglalayong magbigay ng maayos na suweldo, mga benepisyo, tenure, at propesyonal na pagpapa-unlad.
Healthcare workers
Kilala rin bilang “Frontliners,” partikular noong kasagsagan ng pandemya kung saan, habang ang karamihan ay nasa loob ng bahay para maiwasan ang banta ng COVID-19 virus, ang healthcare workers ang araw-araw sumusuong sa banta nito para maiwasan ang paglaganap nito sa publiko.
Healthcare workers, tulad ng mga doktor at nurse ang gumagamot at sumasalba sa buhay ng mga tao sa pamamagitan ng pagkalingang medikal, at kung minsa’y ilang oras pa itong nasa duty para maasikaso ang mga pasyenteng nangangailangan.
Sa bansa, mayroong Republic Act No. 7305 o ang Magna Carta of Public Health Workers na naglalayong bigyang suporta ang social at economic well-being ng healthcare workers sa pamamagitan ng mga sapat na compensation at benepisyo sa mga serbisyo nito para sa bayan.
Mga manggagawa
Partikular para sa mga Overseas Filipino Worker (OFWs), ang mga Pilipinong ito ang mga nakikipagsapalaran sa ibang bansa para sa financial security, hindi lamang para sa kanilang sarili, kung hindi para rin sa kanilang pamilya, dahil ika nga ng karamihan, “hindi kikitain sa Pilipinas ang kayang kitain abroad.”
Dahil sa kanilang mga padalang pera or remittance, nakaaapekto ito rin ito sa ekonomiya ng bansa, sa pamamagitan ng pagpapabuti ng foreign exchange ng bansa, pagbubukas ng oportunidad para sa pagnenegosyo, at pagkakaroon ng skill development mula sa bansang pinagtrabahuhan.
Sean Antonio/BALITA