Kinumpirma ng New York State Police na walang naiulat na Pinoy na nasawi sa isang tour bus na nadisgrasya sa New York.
Ayon sa NY State Police, nasa edad 22 taong gulang ang pinakabatang nasawi na isang Chinese national habang 65-anyos naman ang pinakamatandang namatay na isang Indian national.
Batay sa paunang ulat, limang katao ang kumpirmadong nasawi sa naturang akisidente.
Lumalabas din sa imbestigasyon na pabalik na raw sana ng New York City ang naturang bus mula sa Niagara Falls nang bigla umanong nawalan ng control ang driver dahilan upang magpaikot-ikot sila sa daan.
May ilang mga ulat din ang nagsasabing may mga pasahero umanong tumilapon palabas ng bus dahil hindi sila naka-seat belt.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang Pinoy, sakay ng bus na nag-crash sa New York
Ayon pa sa mga awtoridad, 21 pasahero ng nasabing bus ang dinala sa Erie County Medical Center. Habang pitong pasahero naman ang naiulat na na-discharged na sa ospital, anim ang nanatiling naka-admit, lima ang nasa intensive care unit (ICU) at tatlo ang patuloy pa ring iniimbestigahan.
Ilang pasaherong sugatan din ang dinala sa Strong Memorial Hospital, Millard Fillmore Suburban Hospital, at UMMC sa Rochester.
Samantala, nananatili naman ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Consulate sa New York upang matukoy ang kalagayan ng mga Pinoy na kumpirmadong sakay ng nasabing bus.