Binisita ni Sen. Risa Hontiveros ang libingan ng yumaong dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo sa Naga City bilang pagpupugay sa kaniyang alaala at serbisyo-publiko.
Sa kaniyang pagbisita, sinabi ng senadora na nananatiling inspirasyon si Robredo, hindi lamang sa kaniyang pamilya kundi sa buong sambayanan.
Sinamahan si Hontiveros ng biyuda ng dating DILG Secretary, na si dating Vice Presidennt at ngayon ay Naga City Mayor Leni Robredo.
"Habang nasa Naga, binisita din natin ang memorial ni DILG Sec. Jesse Robredo, ang late husband ni Mayor Leni & a public servant we admire," anang senadora sa kaniyang Facebook post, Linggo, Agosto 24.
Si Jesse Robredo, ay pumanaw noong Agosto 18, 2012 dahil sa isang plane crash. Kilala siya bilang isang huwarang lingkod-bayan na nagtaguyod ng “tsinelas leadership”—isang pamumunong malapit sa mga payak na tao.
Siya ay naglingkod bilang kalihim ng DILG sa administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, na namayapa na rin.
Nagtungo sa Naga ang senadora para sa idinaos na Barangay Secretaries Provincial Congress and Seminar Workshop ng Association of Provincial Barangay Secretaries - Albay Chapter, sa pangunguna ni Robredo bilang alkalde.
Nagpasalamat naman si Hontiveros sa oportunidad na ibinigay sa kaniya, na makapagbahagi ng kaalaman at karanasan sa barangay secretaries.
"Nandito po ako para mag-bigay pugay sa lahat ng ating barangay secretaries, at sa iba pang kawani ng barangay na naglilingkod sa loob at labas ng inyong mga komunidad," aniya.
"Palakasin pa natin ang pagtutulungan sa bawat isa, para tugunan ang mga agarang isyu at kailangan ng inyong mga barangay, lalo na pagdating sa kabuhayan at kalusugan."
"Muli, maraming salamat at mabuhay po ang ating mga barangay secretaries, at ang ating mga opisyal at kawani ng barangay mula sa Albay at sa Bicolandia! Dios Mabalos!" aniya pa.