Pumalo na sa 37,368 ang bilang ng hand, foot, and mouth disease (HFMD) sa bansa ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) noong Sabado, Agosto 23.
Sa bilang ng DOH, mga batang nasa edad 1 hanggang 3 taong gulang ang karamihan ng nasa naitalang kaso, at kumpara sa nakaraang taon, pitong beses ang itinaas nito mula 5,081.
Ano ang HFMD?
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang HFMD ay isang nakakahawang sakit na nagdudulot ng lagnat, mouth sores o mga sugat sa bibig, at skin rash o pantal sa balat.
Habang mga batang nasa edad 5 pababa ang kadalasang nagkakaroon nito, maaari pa ring makuha ng ilan ang sakit na ito.
Mga sintomas
Karamihan ng nagkakaroon ng HFMD ay maaaring makaranas ng mga sumusunod na sintomas:
- Lagnat
- Sore throat o sakit ng lalamunan
- Mouth sores o pagsusugat ng bibig
- Mga pantal o butlig sa balat na kadalasa’y nasa palad at talampakan
Paano nagkakaroon nito?
Ang HFMD ay dulot ng mga virus, at dahil nakakahawa ito, maaari itong makuha sa pamamagitan ng:
- Virus mula sa talsik ng laway matapos ang pagbahing, pag-ubo, o pagsasalita.
- Mga bagay na nakapitan ng virus
- Likido o nana mula sa mga sugat o pantal sa balat
- Dumi ng tao
Paano ito maiiwasan?
Para maiwasan ang HFMD, ito ang ilan sa maaaring gawin:
1. Ugaliin ang palaging paghuhugas ng kamay na may sabon at malinis na tubig sa loob ng 20 segundo paglabas ng banyo, bago humawak ng pagkain, at matapos magpalit ng diaper.
2. Iwasan ang palaging paghawak sa mukha, partikular sa mata, ilong, at bibig.
3. Dalasan ang paglilinis at pagdi-disinfect ng mga kagamitan na laging hinahawakan tulad ng doorknob at laruan kung may batang kasama.
4. Ihiwalay ang gamit ng taong infected ng HFMD.
5. Iwasang makihalubilo sa mayroong HFMD.
Sa dagdag na abiso ng DOH, mahalagang panatilihin ang isang adult o bata na makikitaan ng sintomas sa bahay sa loob ng 7 hanggang 10 araw, o hanggang tuluyang mawala ang lagnat at matuyo ang mga sugat.
Sean Antonio/BALITA