“Kobe!”
Ito ang kadalasang maririnig na sigaw mula sa mga masugid na tagahangang larong basketball, bata man o matanda, tuwing magshu-shoot ng bola sa ring o kahit na sa kanilang “imaginary” basketball jump shot.
Dahil sa bansa kung saan maituturing na parte ng kultura ang larong basketball, ang pangalang “Kobe Bryant” ay higit pa sa pagiging manlalaro sa ring, kung hindi, isang simbolo ng kahusayan at inspirasyon.
“Of all the places that I've traveled, this has so much passion and enthusiasm for the game,” saad ni Byrant sa isang panayam tungkol sa kaniyang impresyon sa bansa.
Sa kaniyang 20 taong karera sa basketball, madalas ang pagbisita niya simula 1998, na nasundan pa noong 2007, 2009, 2011, 2013, at 2016, na kaniyang naging huling pagbisita.
“I love coming back because I enjoy being around kids. I enjoy being around people who have the same passion,” dagdag nito sa paghanga sa puso ng mga Pinoy para sa basketball.
Dahil sa legasiyang inimprenta ng manlalaro sa larangan ng sports bilang “one of the greatest and most influential basketball players of all time,” bukod sa kaarawan nito sa Agosto 23, inilaan din ang Agosto 24 bilang “Kobe Bryant” day.
Ito’y dahil ang petsang “8/24” ay tugma sa mga jersey number niyang 8 at 24 na ginamit sa kaniyang 20 taon na paglalaro para Los Angeles Lakers team.
Kung kaya’t, bilang pagbabalik-tanaw, narito ang ilan sa mga trivia tungkol sa manlalaro na humubog at naging inspirasyon sa larangan ng larong basketball sa loob at labas ng bansa.
Bago makilala bilang isa sa greatest and most influential basketball players of all time, si Kobe Bean Bryant ay ipinanganak sa Philadelphia, Pennsylvania noong Agosto 23, 1978.
Taong 1996 nang pangalanan siya bilang “National High School Player of the Year” at “Naismith Player of the Year,” sa eskwelahan nitong Lower Merion High School sa Pennsylvania, US.
Matapos matanggap ang mga award na ito, nakapasok ang batang Bryant sa unang round ng National Basketball Association (NBA) draft at kalauna’y naging parte ito Los Angeles Lakers, kung saan siya’y naging isa sa mga pinakabatang manlalaro sa kasasayang ng NBA sa edad na 18.
Simula nito, nakasungkit si Bryant ng iba’t ibang championship sa NBA.
Mula sa pagiging pinakabatang All-Star starter noong 1998, nag-uwi ng iba’t ibang medalya at trophy ang NBA MVP sa mga sumunod pang taon sa mga laro nito.
Taong 2000, nanalo ito ng 3 sunod-sunod na NBA championship na tinawag ding “Three-peat,” kung saan si Bryant din ang naging pinakabatang manlalaro na nakakuha nito.
Taong 2002, pinangalanan siya bilang “All Star MVP” sa All-Star Game ng West at East sa puntos na 135-120, dito rin ay kumamada ng 31 puntos si Bryant na may 5 assist at 5 rebound.
Taong 2008, bilang “League MVP” laban sa koponang Denver Nuggets.
Taong 2009, bilang “Finals MVP” laban sa Orlando Magic.
Taong 2010, muli itong pinangalanan bilang “Finals MVP” laban naman sa Boston Celtics.
At sa taong 2016, bilang kaniyang “final game” bago magretiro sa basketball, sinelyuhan ng Lakers ang match laban sa Utah Jazz sa puntos na 101-96, dito rin ay kumamada ng 60 na puntos ang NBA MVP sa 22-50 shooting.
Taong 2018, nanalo ng Academy Award ang kaniyang short animated film na “Dear Basketball,” na base sa tulang kaniyang sinulat.
Bukod sa mga medalya at tropeng napanalunan sa mga laro, may puso rin sa pagtulong si Bryant at ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng mga donasyon at paglulunsad at pagsali sa ilang mga foundation.
Ang ilan dito ay ang: “The Kobe and Vanessa Bryant Family Foundation (KVBFF) na inilunsad noong 2007 na naglalayong pagbutihin ang buhay ng mga nangangailangan at hikayatin ang mga kabataan na pumasok sa sports; at ang Granity Studio na isang production studio na gumagawa ng mga storytelling content para sa mga kabataan at sports, dito rin ay inilabas ni Bryant ang kaniyang animated-film na “Dear Basketball” noong 2018.
Sa labas ng basketball court, si Bryant din ay isang ulirang asawa at ama.
Sa social media nito, makikita ang pagiging malambing at supportive nito sa 4 na anak, at sa asawang si Vanessa, na kaniyang unang nakilala noong 1999.
Taong 2020, sa hindi inaasahang pangyayari, nasawi sa isang helicopter accident ang NBA Legend kasama ang kaniyang 13 taong gulang na anak na si Gianna sa California.
Ang balitang ito ang isa sa mga gumimbal sa mundo, kung kaya’t sa iba’t ibang bansa, umulan ng pakikiramay, kung saan dagsa ang nagpalipad ng lobo, nag-alay ng bulaklak, at nagtirik ng kandila bilang pagluluksa at pakikiramay sa pagkamatay ng NBA Legend.
Para sa mundo, ang mga numerong 24 at 8 ay mamamalaging pagmamay-ari ng nag-iisang Kobe Bryant, at para sa mga Pilipino, ang pinakita nitong sipag, determinasyon, at puso, ang legasiyang iniwan nito sa kasaysayan at kultura ng basketball.
Sean Antonio/BALITA