“Hindi ito overnight project, at hindi ito magiging ghost project,” ito ang saad ni Mayor Weslie “Wes” Gatchalian sa paglulunsad ng flood summit noong Sabado, Agosto 24, para ilahad ang mga proyekto at estratehiya laban sa perwisyong dulot ng mga pangkalikasang sakuna para sa lungsod ng Valenzuela.
Ang PANATAG: Valenzuela’s Flood Control Resilience Initiatives ay ginanap sa ALERT Multi-purpose Center Hall in Barangay Malinta, kung saan, ito’y dinaluhan ng mga residente, mga lokal na opisyal, mga eksperto, at representante ng ilang komunidad bilang pagsuporta sa layon na palakasin ang flood control at resilience efforts ng lungsod.
Ang summit ay inorganisa ilang linggo matapos ang hagupit ng Habagat kasabay ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong noong nakaraang Hulyo 2025, na naging dahilan ng pagkalubog ng maraming mabababang lugar sa Valenzuela, kung saan, libo-libong residente ang napilitang lumikas, kung kaya’t idineklarang nasa State of Calamity ang lungsod sa ilalim ng Resolution No. 3503, Series of 2025.
Ilan sa mga initiatibo at proyektong inihain ay ang Tinig Barangay na inilunsad noong Agosto bilang plataporma para magtaas ng mga alalahanin ang mga residente tungkol sa pagbaha sa kanilang lugar.
Ang Task Force Kalinisan at Oplan Balik Linis Ganda, na mga programang nanguna sa large-scale na paglilinis ng mga drainage system at waterways, at patuloy na expansion at rehabilitasyon ng mga pumping station sa mga Barangay ng Poblacion, Polo, Isla, Wawang Pulo, Coloong, at Marulas.
At ang Panatag Water Catchment sa MacArthur Highway sa Barangay Dalandanan, na isang major project na layong saluhin ang tubig mula sa baha para mabawasan ang impact ng mabigat na pag-ulan sa daanang ito na sa isa sa pinaka-busy na lugar sa lungsod.
Pinirmahan din ni Gatchalian sa summit ang Executive Order No. 2025-190 na bubuo sa Valenzuela City Flood Control Advisory Council na mamamahala sa lahat ng flood mitigation program sa lungsod.
Pinagtibay din ng alkalde ang partnership nito sa ibang national agency at pribadong sektor para sa joint cleanup at dredging operation sa 11 priority waterways sa lungsod kasama ang Department of Transportation (DOTr), North Luzon Expressway (NLEX) Corporation, at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang operasyong ito na nasimulan na sa mga unang buwan ng taon ay nakapagtanggal na ng ilang metro kubikong basura mula sa mga creek na kadalasang tinuturong sanhi ng baha tuwing umuulan.
At bilang highlight ng summit, pumirma ng Memorandum of Agreement (MOA) ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela, University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), at Nationwide Operational Assessment of Hazards (NOAH) Center sa pangunguna ni UP president Atty. Angelo Jimenez and UPRI Executive Director Dr. Mahar Lagmay bilang paggawa ng science-based blueprint para sa pangmatagalang flood control strategy ng lungsod.
"Sisiguraduhin natin na kalidad ang gagamitin sa ating flood control projects, at hindi substandard. Hindi ito negosyo, ito ay para sa ikapapanatag ng bawat Pamilyang Valenzuelano. Long term solution, hindi band-aid solutions. Kasama kayo sa solusyon," saad ni Gatchalian bilang motibasyon sa likod ng mga inisyatibong inihain.
Sean Antonio/BALITA