Sa loob ng halos dalawang dekada mula nang maitatag ang Bataan Peninsula State University (BPSU) Main Campus, ngayon pa lamang ito nagkaroon ng kauna-unahang Summa Cum Laude—at iyon ay si Ronile Victor Prism A. Cruz, isang "trans nonbinary" na nag-ukit ng sariling pangalan hindi lang sa kasaysayan ng unibersidad kundi maging sa mas malawak na naratibo ng kahusayan at lakas ng komunidad LGBTQIA+ sa Pilipinas.
Sa viral Facebook post ni Prism, nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Communication, Major in New Media, at itinanghal na Valedictorian ng Batch 2025.
Natatangi ang tagumpay ni Prism dahil siya lang naman ang unang Summa Cum Laude ng BPSU Main Campus mula 2007, una sa College of Arts and Sciences, at una mula sa Communication Program.
Higit pa rito, siya rin ang nanguna sa 2,937 na nagtapos sa lahat ng campus at nakapagtala ng pinakamataas na marka sa kasaysayan ng BPSU.
Siyempre pa, isa rin siyang pride ng queer community.
Hindi lamang sa sariling bayan ipinamalas ni Prism ang galing. Bilang exchange student sa Chungnam National University sa South Korea, kinuha niya ang kursong International Studies sa School of Media and Communication at nagtamo ng A+ (1.00) na karangalan.
Suportado rin sila ng iba’t ibang scholarship gaya ng pagiging Global Korea Scholar, Philippine Financial Inter-Industry Pride Scholar, Orani Suhay Foundation Scholar, at Iskolar ng Bataan.
Ngunit higit pa sa mga medalya at marka, kwento rin ito ng katatagan.
"I rose without privilege, no safety nets, no easy skips. In a world that calls my identity “not normal,” I conquered spaces, broke traditions, and bent rules that were never made for me," aniya.
"For years, I showed up in rooms where I wasn’t wanted—where my very existence was defiance—and still, I walked out as the most glamorous and the most brilliant one. And I will continue to do so, and show the world that queer excellence is not subject to your acceptance, but destined to shine, thrive, and take up space."
Bilang isang trans nonbinary, kinailangan nilang harapin ang mundong madalas na nagdududa o tumatanggi sa kanilang pagkatao.
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa 23-anyos na si Prism, isa sa mga hinarap niya sa academic journey niya ay ang hindi pa rin maiiwasang diskriminasyon hinggil sa kaniyang sekswalidad.
Hindi raw talaga mawawala ang pakiramdam na iba ang pagtingin ng mga tao sa paligid, lalo na sa mga kagaya niya.
"Marami talagang hamon. Bilang queer student, hindi madali ang maging visible. Madalas may mga microaggressions at moments na mararamdaman mong iba ang tingin sa’yo, kahit hindi laging sinasabi nang diretso," paliwanag niya.
"Pero sa kabila ng lahat ng iyon, patuloy akong tumatayo at nagpapatuloy. Dahil bawat hakbang, bawat kuwento, at bawat tagumpay ng isang queer student na katulad ko ay patunay na hindi hadlang ang ating pagkakaiba—ito mismo ang nagbibigay-kulay at lakas sa ating laban at sa ating pangarap," dagdag pa niya.
Sa tingin niya, ano nga ba ang sikreto ng kaniyang tagumpay?
"Ang sikreto ko ay ang buong pusong pagyakap sa aking pagiging queer. Ang pagiging totoo at malaya sa sarili kong identidad ang nagtulak sa akin na maging mas matapang, mas masipag, at mas malikhain."
"Dahil queer ako, mas ramdam ko ang pangangailangan na patunayan hindi lang para sa sarili ko, kundi para sa komunidad na kinakatawan ko.
Inilahad din ni Prism kung ano ang balak niya ngayong tapos na siya ng pag-aaral.
"Plano kong ipagpatuloy ang aking trabaho sa media at marketing habang tinutupad ang pangarap kong makatulong sa kapwa, lalo na sa queer community."
"Gusto kong gamitin ang boses at plataporma ko para ipakita na may lugar tayo sa kahit anong industriya—na hindi hadlang ang kasarian o sekswalidad para maging lider, iskolar, o propesyonal."
"Isa rin sa mga pangarap ko ay ang makapag-travel sa iba’t ibang panig ng mundo. Gusto kong makita at maranasan ang iba’t ibang kultura, at dalhin ang mga natutuhan ko bilang queer Filipino scholar saan man ako makarating."
Kaya naman mensahe niya sa buong LGBTQIA+ community:
"Para sa ating komunidad: Huwag kayong matakot maging totoo. Ang ating pagkakaiba ay hindi kahinaan, kundi lakas."
"We don’t just deserve a seat at the table—we deserve to build our own."
"Tuloy lang sa pangarap, at tandaan: our queer success is not just for us, but for everyone who dreams beyond borders. Kapag nanalo tayo, panalo ang buong komunidad," aniya.
Samantala, batay naman sa ulat ng "The Defender," opisyal na Student Publication ng BPSU-Balanga Campus, ang kauna-unahang summa cum laude sa kasaysayan ng BSPU ay si Celyn N. Ronquillo, nagtapos ng Bachelor of Secondary Education major in Mathematics, noong 2024.
Pinagtibay rin ito sa post ng mismong opisyal na Facebook page ng pamantasan, noong Setyembre 26, 2024.
Anila, si Ronquillo ang pinakaunang summa cum laude sa kasaysayan ng unibersidad simula nang pagsamahin ang dating Bataan Polytechnic State College at Bataan State College, na naging BPSU sa bisa ng Republic Act 9403.
Isinagawa ang 2024 Commencement Exercises sa Bataan People’s Center, noong Setyembre 21, 2024.
Ang tagumpay ni Cruz ay hindi lamang isang milestone para sa Main Campus at sa buong BPSU kundi isang inspirasyon para sa kabataang queer sa buong bansa.
Ipinaalala niya sa mundo: ang hinaharap ay mas makulay at mas inklusibo.