Inalis na ng kontrobersiyal na content creator at negosyanteng si Josh Mojica ang kaniyang Facebook post na nagsasaad na sa 21 ay isa na siyang bilyonaryo.
Sumikat si Mojica dahil sa kaniyang negosyong "kangkong chips" na sinimulan niyang gawin noong panahon ng pandemya.
Ang kangkong chips, ay ipinagmamalaki ni Mojica bilang isang matagumpay na eksperimento, na isa sa mga naging dahilan para kumita agad siya ng pera.
Bukod dito, usap-usapan din si Mojica dahil sa kaniyang pananaw patungkol sa pagtatapos ng pag-aral versus pagkakaroon ng diskarte sa buhay, na inuulan naman ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
Subalit noong Hulyo 2025, kumalat sa social media ang video ni Josh na kinukuhanan ng sarili ng video habang nagmamaneho ng isang Porsche sa kahabaan ng EDSA sa Quezon City.
Inalmahan ito ng mga netizen dahil delikado umano ito, na posibleng magdulot ng disgrasya sa kalsada. Kinalampag ng mga netizen ang Land Transportation Office (LTO) para aksyunan ang nabanggit na pagba-vlog ni Mojica.
Dahil dito, ipinatawag siya ng LTO. Bagama’t nagpaumanhin siya, ipinataw pa rin ang 90-day suspension sa kaniyang driver's license.
At ngayong Agosto naman, muli na namang nasangkot sa intriga si Mojica matapos niyang mag-post sa social media na 21 anyos pa lamang siya subalit bilyonaryo na.
"21 years old ‘bilyonaryo na’ ikaw?” mababasa sa post ng isang unofficial Facebook fan page ni Josh noong Agosto 18, 2025.
Ibinahagi naman ito ni Mojica sa kaniyang verified social media account.
As usual, nag-react naman dito ang mga netizen, ngunit isa na rito si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na kilala sa pakikipagbardagulan online.
Aniya, nararapat daw suriin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang buwis ni Mojica, dahil ang inaakala raw niya, ang nagke-claim na "youngest billionaire" ay si Edgar “Injap” Sia II, may-ari ng isang chicken inasal food chain.
“Akala ko ang youngest billionaire ay may ari ng mang inasal? Bat nagclclaim itong si kangkong?"
"Bureau of Internal Revenue Philippines paki check nga ang taxes ng tao na yan," aniya pa.
Matapos birahin ng mga netizen, mapapansing tila wala na ang nabanggit na post at pinalitan ito ng iba, na patungkol naman sa pagiging humble at masipag.
Mababasa, "A Day in the Life of an Ultra-Humble 21 Years Old CEO."
Hindi pa rin nagsasalita ang BIR patungkol sa panawagan ni Guanzon at ng iba pang netizens.
PALIWANAG NI MOJICA: 'PANGARAP KONG MAGING BILYONARYO!'
Sabado, Agosto 23, naglabas naman ng opisyal na paliwanag si Mojica hinggil sa isyu, sa pamamagitan ng isang video.
Aniya, ni-reshare lamang daw niya ang nabanggit na post na mula nga sa isang unofficial FB fan page. Pero hindi itinanggi ni Mojica na pangarap daw niyang maging tunay na bilyonaryo.
"Kasi honestly, ‘yon talaga ang pangarap ko: to become a billionaire one day. And I am proud na marami ring kabataan ang na-inspire doon. Kaya hindi po ‘yon pagyayabang.”
“May isang personalidad sa internet ang naniwala at may mga nagpakalat na agad ng fake news at sinabi nilang nag-claim daw ako na isa na akong bilyonaryo na dapat daw akong tingnan ng isang ahensiya ng gobyerno,” aniya pa.
Ipinagdiinan ni Mojica na wala siyang ginagawang ilegal, compliant, at transparent ang pagpapatakbo niya sa negosyo bilang CEO ng produktong kangkong chips.
“Una sa lahat, let’s be clear: I have never claimed to be a billionaire. Maliit pa po tayo masyado para doon. Pangalawa, I have always been diligent and compliant in running my business. Everything I do is legal, transparent, and focused on growth,” saad pa niya.