Iginugunita ngayong Linggo, Agosto 24, ang Pista ni San Bartolome, ang patron ng San Bartolome Church, na may mayamang kasaysayang bumuo sa higit apat na siglo, na puno ng panata at pananampalataya.
Ano nga ba ang kasaysayan sa likod nito, na maaaring hindi batid ng mga taga-Malabon?
Konstruksyon at Kasaysayan
Ang Simbahan ng San Bartolome sa Barangay San Agustin, Malabon, ay itinuturing na pinakamatandang simbahan sa “Diocese of Kalookan.” Ito ay itinayo ng mga “Augustinian missionaries” noong taong 1614.
Nagpasa-pasa ang alingasngas tungkol sa simbahan ng Bartolome na umano'y minadaling itayo ang San Bartolome at agarang nasira ng mga natural na kalamidad. Upang patatagin ang simbahan, muling isinaayos ito matapos ang ilang taon, ngunit muling nasira sa iba’t ibang mga dahilan.
Simula noong 1813, matatandaang ang simbahan ay hindi na muling nasira nang sobra ng kahit anong kalamidad, at hanggang ngayon ay matibay itong nakatirik sa siyudad ng Malabon.
Epekto ng Rebolusyon noong 1898 sa San Bartolome Church
Noong 1898 revolution, nasunog ang buong silangang parte ng simbahan, kung saan ang ilang mga kagamitan ay hindi mawari kung nasunog o nanakaw — ngunit nanatiling matibay na nakatayo ang anim na altar, kabilang ang isang yari sa pilak.
Matapos ang ilang taon, ito ay muling isinaayos sa tulong at pamumuno ni Rev. Fr. Lino Kawili, na nagmula sa Tañong, Malabon — na kalaunan ay nalipat sa Silang, Cavite.
Ang pagtatayo ng Malabon Normal School noong 1929
Ang Malabon Normal School ay pinamunuan ng mga madre mula sa Sisters of Maryknoll Congregation sa New York, na siyang ginamit ang “Spanish convent” ng simbahan ng San Bartolome sa Malabon.
Dito ay naituro nila ang tunay na kahulugan ng paniniwala sa Diyos — na ito ay walang pinapanigan sapagkat ang lahat ng tao ay makasalanan.
Nagsimulang lumawak ang koneksyon ng simbahan sa ilan pang mga parokya sa Maynila hanggang sa magpatuloy ang pagsasaayos nito.
Ang modernong San Bartolome Church
Ngayon ay makikitang dinadagsa ang simbahan ng San Bartolome hindi lang dahil sa ito ay higit apat na siglo na magmula nang itayo, bagkus ito ay isang paalala ng matibay na paniniwala sa Diyos at katatagan sa gitna ng mga unos.
Vincent Gutierrez/BALITA