Nakakita ka na ba ng puno ng niyog? Mayroon ba kayong puno ng niyog sa inyong bakuran? Nakatikim ka na ba ng niyog?
Ngayong Agosto 24 hanggang 30, ginugunita ang “National Coconut Week” upang ipagdiwang at pahalagahan ang puno ng niyog, pati ang prutas nito, dahil sa angkin nitong benepisyo sa mga tao.
Kung hindi mo pa nalalaman, ibang klase ang puno ng niyog! Mula sa bao nito, sa laman, pati ang katawan at dahon, lahat ay may gamit at silbi, kung kaya’t tinagurian itong “Tree of Life” o “Puno ng Buhay.”
Iba’t ibang gamit ng Puno ng Niyog
Ang bawat parte ng Puno ng Niyog ay may angking gamit at benepisyo, kung kaya’t kahali-halina ang prutas na ito.
Bao (coconut shell)
Kung mahilig kang maglinis, puwedeng gamitin ang bao ng niyog upang maging bunot nang maging makintab ang inyong sahig. Kung nais mo namang magluto, makatitipid ka at siguradong hindi na mahihirapan pang humanap ng panggatong dahil puwedeng pamalit ang bao ng niyog sa uling at kahoy.
Coir (coconut fiber)
May angking tibay ang “coir” mula sa mga niyog, kung kaya’t puwede itong gamitin upang makabuo ng abaka, lubid, at mga eskoba.
Dahon (coconut leaves)
Marami ring gamit ang dahon ng niyog at sadyang nakahihinayang kung itatapon mo lamang ang mga ito. Ang mga dahon ng niyog ay maaaring gamitin upang makabuo ng walis, buslo o basket, banig, bubong, at patpat.
Katawan ng puno ng niyog (trunk)
Sa tayog ng puno ng niyog, siguradong hindi dapat sa basurahan o kung saan man mapunta ang katawan nito. Maaari mong gamitin ang malaking parte na ito ng puno upang gumawa ng mga kasangkapang kahoy sa bahay tulad ng tabla o kaya naman ay coco lumber.
Tubig ng niyog (coconut water)
May gamit din ang tubig na ito ng niyog, sapagkat kung mawalan ka man ng suka, maaari mong iproseso ang tubig na ito upang gawing maasim na panimpla sa inyong pagkain. Puwede rin naman ito gawing inuming tubig sapagkat ito ay mainam at malinis na pampawi ng uhaw.
Dagta ng niyog (coconut sap)
Kung nais ng mas maasim, puro, at natural na pampalasa at inumin, puwede mong gamitin ang dagta ng niyog upang gumawa ng suka, tuba, at lambanog.
Laman ng niyog (coconut meat)
Sa lahat ng parte, ito ang siguradong may gamit at hindi nararapat itapon. Ang laman ng niyog ay mainam na gamitin upang lumikha ng iba’t ibang produkto tulad ng kendi, kopra, gatas, at langis.
Ugat (roots)
Maging ang ugat ng isang puno ng niyog ay paniguradong may gamit din. Mainam na gamitin ang ugat ng puno ng niyog upang lumikha ng isang epektibong pampakulay o “dye” at pamngmumog o “mouthwash.”
Sa dami ng gamit ng puno ng niyog — mula sa mismong puno hanggang sa bunga nito — tiyak na swak talaga na ito ay tawaging “Puno ng Buhay.”
Vincent Gutierrez/BALITA