Tila sa loob ng mahabang panahon, nagkaroon na ng negatibong impresyon ang ayuda sa ilang Pilipino.
Kinukunsinti kasi umano ng ganitong programa ang pagiging tamad at palaasa ng marami sa halip na turuang magsikap sa buhay.
Sa isang forum naman ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) noong Hunyo, inamin ni Senador Erwin Tulfo na nagagamit ng ilang politiko ang ayuda lalo na noong nakaraang eleksyon.
MAKI-BALITA: Hangga't may Pilipinong 'di kayang tumayo sa sariling paa, kailangan ng ayuda —Erwin Tulfo
Ngunit sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development, mas pagtutuunan nito kung paano matuturuang makatayo sa sariling mga paa ang benepisyaryo ng programa.
ANO ANG SLP?
Sa panayam ng DZMM Teleradyo noong Sabado, Agosto 23, ipinaliwanag ni DSWD Director IV and Concurrent OIC - Assistant Secretary for Promotive Programs Edmond Monteverde ang SLP at kung paano nga ba ito gumagana.
“Ito pong Sustainable Livelihood Program, tine-train natin dito o pinapalakas natin 'yong kakayahan ng ating mga beneficiary,” saad ni Monteverde.
Dagdag pa niya, “Kapag po kasi we focus on social welfare, ‘yong mga ayuda, the problem become cycleable. Paikot-ikot lang ‘yan. [...] Kailangan itawid natin sila, e. ‘Yon ‘yong tinitingnan natin.”
SINO-SINO ANG MAKIKINABANG SA SLP?
Ayon kay Monteverde, ang mga makatanggap ng tulong mula sa SLP ay ang exiting members ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” o mas kilala bilang “4Ps.”
“Kasi may mga nag-e-exit po na '4Ps' due to natural attrition,” paliwanag ni Monteverde. “Meaning, dahil naka-seven years na under law, pero hindi pa nila kayang umalis sa kahirapan. So, 'yan 'yong isa sa exit plan na tinitingnan to revision of the Sustainable Livelihood Program.”
Ang 4Ps o Republic Act 11310 ay pambansang estratehiya ng gobyerno upang masugpo ang kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng conditional cash transfer sa mahihirap na sambahayan hanggang pitong taon upang mapabuti ang kondisyon ng buhay ng mga miyembro nito.
Gayunman, nilinaw ni Monteverde na kahit hindi pa matatapos ang pagiging miyembro ng isang tao sa 4Ps ay puwede pa ring makinabang sa SLP.
Bukod sa mga miyembro ng 4Ps, puwede ring matulungan ng programa ang mga mahihirap na kabilang sa Listahanan database, marginalized at vulnerable sectors tulad ng mga katutubo, Person with Disability, Internally Displaced Persons, Out-of-School Youth, at marami pang iba.
ANO-ANONG TULONG ANG MAIBIBIGAY NG SLP?
Ang tulong na maibibigay ng DSWD sa mga benepisyaryo ng program ay nahahati sa dalawa.
Ang una, micro-enterprise development (MD) track. Nilalayon nito na tulungan ang mga kasali sa pag-uumpisa, pagpapatuloy, at papaglawak ng mga negosyo.
Samantala, ang ikalawa naman ay employment facilitation (EF) track. Nakatuon ito sa preparasyon at pagbibigay ng suporta sa mga kwalipikadong kalahok para makahanap, makapasok, at manatili sa kapaki-pakinabang na trabaho.
Para mapabilang sa SLP, magsadya lang sa City o Municipal Social Welfare and Development Office (C/MSWDO) at makipag-ugnayan sa mga SLP-Project Development Officer tungkol sa schedule ng mga gawaing may kaugnayan sa programa.