Totoo nga bang magkakaroon ng “second chance to be star” ang nagpatili noon sa karamihan na si Marlou Arizala o mas kilala na ngayon bilang si Xander Ford?
Sa Facebook post na inupload ni Xander Ford noong Biyernes, Agosto 22, nagbigay ng update ang content creator tungkol sa lugar na pinanatilihan nila ngayon habang may takip ang mukha niya sa video.
Aniya, doon muna sila sa condominium habang nagpapagaling pa umano siya ng kaniyang operasyon at pagbabalik nito sa Rated Korina.
“Dito na po muna kami sa condominium kung saan kami mag-i-stay. Pero sobra-sobrang higpit dito lalo na ‘yong security. Ito na po ‘yong room na pag-i-stay-an namin hanggang sa mag-heal po ‘yong nose ko [at] hanggang sa i-reveal ako sa Rated [Korina],” saad ni Xander.
Ayon sa sinabi ni Xander sa kaniyang vlog, magsisimula ang pag-uusap muli nila ng TV host na si Korina Sanchez-Roxas at ni Doc Yappy, na siyang gumawa ng cosmetic surgery niya noong 2017, simula ngayong Sabado, Agosto 23.
“Babalitaan ko po kayo kasi tomorrow na po mag-i-start ‘yong meeting namin with Doc Yappy and sa lahat. Pati sa Rated K [Korina] para malaman namin kung ano ‘yong dapat naming gawin,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: Xander Ford, magbabalik-alindog; maraming kailangang gawin?
Matatandaang una nang naglabas ng pahiwatig si Doc Yappy sa kaniyang Facebook post kung saan makikitang magkasama sila ni Xander sa isang litrato.
“Guess who’s back! Marlou S Arizala[!] Medyo madami tayo gagawin, abangan sa Rated Korina!” aniya ni Doc Yappy.
Matatandaang si Doc Yappy ng The Icon Clinic ang nanguna sa operasyon ng tinawag na transguwapo ni Xander Ford mahigit walong taon na ang nakakalipas.
Mc Vincent Mirabuna/Balita