January 04, 2026

Home SHOWBIZ Pelikula

Vice Ganda, best actor ng FAMAS: 'May this award inspire all queer kids!'

Vice Ganda, best actor ng FAMAS: 'May this award inspire all queer kids!'
Photo courtesy: Screenshot from FAMAS/ABS-CBN (FB)

Masayang-masaya si Unkabogable Star Vice Ganda matapos tanghaling "Best Actor" sa katatapos na 73rd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards (FAMAS) sa isinagawang Gabi ng Parangal noong Biyernes ng gabi, Agosto 22, sa Manila Hotel.

Pinarangalan ang performance ni Meme Vice sa pelikulang "And The Breadwinner Is" na isa sa mga pelikulang lahok sa 2024 Metro Manila Film Festival, at ang sinasabing "unang sabak" niya sa comedy-drama, sa direksyon ni Jun Robles Lana.

Naka-tie naman niya ang actor-politician na si Arjo Atayde para sa pelikulang "Topakk."

Ito ang kauna-unahang best actor award ni Vice Ganda, sa FAMAS.

Pelikula

Vice Ganda, todo-pasalamat sa madlang people, little ponies: 'Alam kong ginusto nyo ‘to para sa’kin, we won!'

Special Jury citation naman ang natanggap niyang parangal sa Gabi ng Parangal ng MMFF noong 2024.

KAUGNAY NA BALITA: Vice Ganda sa kaniyang Special Jury Citation award: 'Award for what?'

Malugod namang ibinahagi ni Vice Ganda ang kaniyang award sa kaniyang Facebook post.

"May this award inspire all queer kids to embrace the endless possibilities the world has to offer. Because as a queer person, your possibilities are limitless!" aniya.

Sa kaniyang acceptance speech, inamin ni Vice Ganda na "naloka" siya at hindi makapaniwala sa award na kaniyang natanggap.

"Nakakaloka 'to, nakakaloka talaga!" aniya.

Nagtungo lang daw siya sa gabi ng parangal para samahan ang direktor nila sa pagkaka-nominate ng kanilang pelikula sa pagka-Best Picture. Ito raw kasi ang unang pelikula ni Vice Ganda na na-nominate sa FAMAS.

Ayon kay Vice, ang unang FAMAS award na natanggap niya ay "Dolphy Award" o pagbibigay-pugay sa kaniya bilang isang komedyante, subalit hindi siya nakarating dahil sa kaniyang gig, at madir niya ang tumanggap ng parangal.

Buong pusong nagpasalamat si Vice Ganda sa pamunuan ng FAMAS dahil sa pagkilala sa kaniyang performance. Ang totoo raw, malaking bagay na para sa kaniya ang natanggap na nominasyon.