December 13, 2025

Home SHOWBIZ Pelikula

KILALANIN: LGBTQIA+ artists na nanalo ng prestihiyosong gantimpala sa kasaysayan ng pelikulang Pinoy

KILALANIN: LGBTQIA+ artists na nanalo ng prestihiyosong gantimpala sa kasaysayan ng pelikulang Pinoy
Photo courtesy: praybeytbenjamin, kaladkaren, iyah_mina, pochoy (IG)

Matagal nang nakikibaka ang mga miyembro ng LGBTQIA+ sa pagi-pagitan ng pagtrato at pagtanggap sa kanila ng mga tao.

Ngunit sa tagal ng panahon na ito, hindi kailanman nakita ang isa sa kanila na naging mahina.

Wala sa bokabularyo nila ang pagsuko at magpatangay sa agos ng mapanghusgang mundo.

Sa katunayan, may malaking parte na sa kasaysayan ng Pilipinas ang mga naimbag ng mga miyembro ng LGBTQIA+ partikular sa mundo ng pelikula.

Pelikula

Avengers: Endgame, balik-sine sa 2026!

Ginanap noong Biyernes, Agosto 23 ang selebrasyon ng pagbibigay-parangal sa mga nagwagi sa The Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) 2025.

Pero bukod dito, may ilan pang prestihiyosong selebrasyon sa mundo ng pelikula ang nakapagbigay ng marka para sa mga LGBTQIA+.

Kilalanin ang mga LGBTQIA+ artists na nanalo bilang mga Best Actor, Best Actress at Best Supporting Actress sa mundo ng Philippine Cinema:

Vice Ganda o Jose Marie Borja Viceral

Matagumpay na nakamit ng Unkabogable Star, comedian, at TV host na si Vice Ganda ang gantimpala bilang Best Actor sa naganap na 73rd FAMAS Awards 2025.

Nakamit ni Meme Vice ang gantimpala dahil sa naging pagganap niya bilang si Bambi sa pelikula niya noon sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024 na “And The Breadwinner is!”

Lumikom ang nasabing pelikula ng halagang tumataginting na ₱460 milyon sa mga sinehan.

“[...] Thank you very much FAMAS for making me the very best first blonde, fully made up in black gown to receive the Best Actor Award,” pagbibiro ni Vice.

Dagdag pa niya, “may this trophy, may this certification of award inspire all the queer kids na makakakita nito sa social media[...] May this recognition inspire you to embrace the endless possibility that the world is offering you.”

Bago ito, matatandaang nakatanggap din ang Unkabogable Star ng Dolphy King of Comedy Award sa FAMAS Awards noong 2018 ngunit ang nanay lamang niya ang nakadalo noon.

KaladKaren o Jervi Li

Isa ang Filipino transgender actress, TV host, manunulat at LGBTQIA+ advocate na si Kaladkaren ang nagtatak sa kasaysayan bilang kauna-unahang transgender na nagkamit ng gantimpalang Best Supporting Actress sa Metro Manila Film Festival (MMFF) noong Abril 2023.

Nakamit niya ang parangal sa pagganap niya bilang si Wilhelmina sa pelikulang “Here Comes the Groom.”

Ang LGBTQIA+ community, mga transgender, at mga drag artist ang binigyan niya ng dedikasyon sa pagkamit ng nasabing gantimpala

Bukod dito, si Kaladkaren din ang kauna-unahang transgender na naging news anchor sa isang news television channel sa Pilipinas noong Hunyo 2025.

Iyah Mina

Isa rin si Iyah Mina sa nagtatak ng kasaysayan sa mundo ng Philippine Cinema bilang kauna-unahang transgender na nagkamit ng parangal na Best Actress sa Cinema One Original Awards noong 2018.

Sa tulong ito ng natatanging pagganap niya bilang si Mamu sa pelikulang “Mamu; And A Mother Too” bilang isang transgender worker sa edad na 40.

Bukod dito, nakatanggap din si Mina ng sunod-sunod na nominasyon para sa mga prestiyosong gantimpala mula 2019 hanggang 2024:

2019 Nominee Star Award, New Movie Actor of the Year;

2019 Nominee Gawad Urian Award, Best Actress;

2019 Nominee FAMAS Award, Outstanding Performance by an Actress in a Leading Role; at

2024 Nominee Luna Award, Best Supporting Actress.

Paolo Ballesteros

Panghuli ay ang aktor, comedian, at TV host na si Paolo Ballesteros na nagkamit ng parangal bilang Best Actor sa ika-42 MMFF noong Disyembre 2016.

Tinangkilik ng marami ang pagganap ni Paolo bilang si Trisha sa pelikula niyang “Die Beautiful” noong 2016.

Bukod dito, nanalo rin si Paolo bilang Best Actor sa Tokyo International Film Festival at Special Jury Award sa Kerala International Film Festival na ginanap sa India sa parehong nasabing taon at pelikula.

Mc Vincent Mirabuna/Balita