Umabot sa tinatayang 300 indibidwal ang nagsumite ng kanilang aplikasyon upang maging mga opisyal na kikilalaning drug war victims sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Sabado, Agosto 23, 2025, natanggap ng ICC Registry ang eksaktong bilang na 303 mga nagsumiteng aplikante laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kaniyang naging madugong kampanya laban sa droga.
Patuloy din umano ang pakikipag-ugnayan ng Victims Participation and Reparations Section (VPRS) sa mga biktima.
Matatandaang sa Setyembre 23 nakatakda ang confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Duterte-ilang buwan matapos ang kaniyang unang pagharap sa Pre-Trial sa ICC noong Marso.
KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025
Samantala, batay pa sa nasabing ulat, nagsasagawa na ng preliminary assessment ang ICC Registry para sa mga isinumiteng aplikasyon ng mga biktima.
Nahaharap sa kasong crimes against humanity si dating Pangulong Duterte kaugnay ng kaniyang "oplan tokhang" kung saan tinatayang nasa 7,000 drug personalities umano ang nabiktima ng extrajudicial killing.
Noong Marso 11, nang tuluyang maaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos magbaba ng arrest warrant ang ICC sa tulong ng International Criminal Police Organization (Interpol).
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD