Nagningning sa drone show si dating Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang mga panawagang muli siyang mapabalik sa bansa, sa isinagawang Free Duterte Rally sa Coastal Road Bazaar Area sa Davao City noong Biyernes ng gabi, Agosto 22, 2025.
Iba’t ibang drone presentation ang tiningala ng mga dumagsang tagasuporta ng dating Pangulo at kaniyang pamilya. Tampok sa nasabing drone show ang mga katagang "Bring him home," #GODSAVEPRRD,""Proudly raised by a Duterte,""FPRRD is not alone,""We will never stop until he is home,"Free Duterte!," at mismong mukha ng dating Pangulo.
Samantala, nakiisa rin sa pagtitipon si Sen. Bong Go at mga apo ni dating Pangulong Duterte na sina Davao City acting vice mayor Rigo Duterte at Congressman Omar Duterte.
Matatandaang nananatili sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Duterte matapos siyang maaresto noong Marso dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
Noong Marso 11, nang tuluyang maaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos magbaba ng arrest warrant ang ICC sa tulong ng International Criminal Police Organization (Interpol).
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Habang sa Setyembre 23 nakatakda ang confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Duterte-ilang buwan matapos ang kaniyang unang pagharap sa Pre-Trial sa ICC noong Marso.
KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025