Nagbaba ng direktiba ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Unit (LGU) na patatagin ang mga pangkalusugang programa bilang proteksyon ng publiko sa mga sakit dala ng pag-ulan at pagbaha, noong Biyernes, Agosto 22.
Sa Facebook post ng DILG, binigyang diin nito ang pagsasaakto ng Memorandum Circular No. 2025-074 at guidelines sa Disaster Risk Reduction and Management for Health (DRRM-H) sa bawat LGU, kung saan, isinasaad dito ang pagtataas ng kamalayan ng mga komunidad tungkol sa mga sakit na kadalasa’y nakukuha tuwing tag-ulan, paglalaan ng mga sapat na bilang ng health workers sa kasagsagan ng sakuna, at pakikipagtulungan sa ibang opisina at ahensya sa pagsasaayos ng mga kagamitang kakailanganin sa sakuna.
“Ngayong tag-ulan, mas nagiging mahina ang ating mga komunidad laban sa sakit. Kailangan ng mabilis at maayos na aksyon mula sa LGUs para matiyak na ligtas ang ating mga kababayan,” saad nito sa nasabing post.
Partikular ding binanggit ng DILG ang pagpapalakas ng disease surveillance and control systems, malinis at ligtas na kalidad ng tubig, madaling access para sa serbisyong medikal at emergency supplies, at komunikasyon sa iba’t ibang ahensya ng bawat LGU.
Sa pakikipagtulungan din sa Department of Health (DOH), inaasahan din ang pag-roll out ng programang “Kalusugan sa Tag-Ulan” kung saan, maglulunsad ng mga pangkulusugang programa sa pamamagitan ng print at broadcast media, at mga session sa ilalim ng Information, Education, and Communication (IEC) campaign, at pagkakaroon ng clean-up operations sa mga barangay.
Sa pamamagitan ng mga abiso at polisiyang ito, tinitiyak ng DILG ang kaligtasan ng bawat Pamilyang Pilipino mula sa mga panganib ng mga sakit dala ng maulan na panahon, at ang katuparan ng Bagong Pilipinas na pangkalahatang programa ng administrasyong Marcos para sa malusog at disaster-resilient na bansa.
Sean Antonio/BALITA