December 16, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga pelikulang dapat panoorin sa Ghost Month

ALAMIN: Mga pelikulang dapat panoorin sa Ghost Month
Photo courtesy: Pexels

Para sa isang bansang mayaman sa kultura, isa ang ghost month sa binibigyang importansya bilang paggunita sa mga namayapa at sa mga alaalang naiwan nito.

Partikular para sa Filipino-Chinese community, ang ghost month ay pinaniniwalaang nagbubukas ng pinto ng impyerno para bigyang daan ang mga espiritu na makihalubilo sa mundo ng mga buhay, kung kaya’t maraming pamahiin at ritwal ang naging kabuhol ng tradisyon sa layuning magbigay galang sa mga espiritu na ito.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Paano nga ba ginugunita ng ilang bansa ang ‘Ghost Month’?

Kung kaya’t para mas maging pamilyar sa mga kagawian at mga pangyayari sa kasagsagan ng ghost month, o di kaya nama’y mga maaaring mangyari kapag nagalit ang mga kaluluwa, narito ang ilang pelikula na puwedeng panoorin:

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 8 mga putahe na kasya sa ₱1,500 para sa Noche Buena

Babala: Huwag subuking panoorin mag-isa.

1. Feng Shui (Pilipinas, 2004)

Ang Bagua mirror, ayon sa tradisyon ng feng shui, ay ginagamit na palamuti sa bahay na nagdadala ng kayamanan, positive vibes, good luck, at pagtataboy sa masasamang espiritu.

Pinaniniwalaan ding ito’y nagbibigay ng mga biyaya at inner peace.

Sa pelikula, sinundan ang istorya ni Joy (ginampanan ni Kris Aquino) na nag-uwi ng Bagua mirror na nakita niya sa bus, kung saan sa una’y nagbigay ng good luck sa kaniya ngunit nagdala rin ng mga kakaibang mga pangyayari tulad ng pagkamatay ng mga taong tumitingin sa salamin.

2. Lilim (Pilipinas, 2025)

Sinundan ang kuwento ng pagtakas ng magkapatid na si Issa (ginampanan ni Heaven Peralejo) at Tomas (ginampanan ni Skywalker David) mula sa kanilang bahay dahil sa pagpatay ni Issa sa kanilang abusadong ama.

Napunta ang magkapatid sa isang bahay ampunan, na isang lugar ng kultong “lilim,” kung saan sila’y sumasamba kay Lilith (ginampanan ni John Patrick Petilo), ang pinaniniwalaang unang asawa ni Adan.

3. Eerie (Pilipinas, 2018)

Sa Sta. Lucia Academy, isang exclusive all-girls’ Catholic school, sinundan ang kuwento ng pag-iimbestiga ni Pat (ginampanan ni Bea Alonzo), isang guidance counselor na may kakayahang makipag-usap sa mga kaluluwa, tungkol sa pagpapakamatay ng isang estudyante sa ikatlong palapag ng eskwelahan.

Umandar ang kuwento nang isa-isang namatay ang iba pang estudyante at nagsimula nang pagsuspetsyahan ni Pat si Sor Alice (ginampanan ni Charo Santos), ang namumunong madre sa eskwelahan, at ang kaniyang posibleng koneksyon sa mga ito.

4. Patayin sa Sindak si Barbara (Pilipinas, 1995)

Ngayo’y nasa larangan ng mga klasikong pelikula sa bansa, ang Patayin sa Sindak si Barbara ay sumunod sa kuwento ni Barbara (ginampanan ni Lorna Tolentino), na umuwi sa Pilipinas mula sa abroad para bisitahin ang labi ng nakababatang kapatid na si Ruth (ginampanan ni Dawn Zulueta), na nagpakamatay dahil sa hinala nitong pagtataksil ng asawang si Nick (ginampanan ni Tonton Gutierrez).

Sa pag-usad ng palabas, malalaman din na ang kaluluwa ni Ruth ay sumapi sa isang manika at isa si Barbara sa target nitong paghigantihan.

5. Fengshui & The Pregnant Ghost (Cambodia, 2025)

Matapos ang pagkamatay ng ilang manggagawa sa isang Chinese construction site, sumangguni ang construction manager sa isang feng shui master (ginampanan ni Top Visal).

Habang nag-iimbestiga, nalaman ng feng shui master na isang buntis na kaluluwa (ginampanan ni Prom Vorleak) ang nabubulabog ng construction site, dahil dito, naghanap ng iba’t ibang paraan ang feng shui master para mapahinahon ang kaluluwa.

6. A Tale of Two Sisters (South Korea, 2003)

Isang psychological horror, sinundan ang kuwento ng magkapatid na sina Soo-mi (ginampanan ni Im Soo-jung) at ang kaniyang nakababatang kapatid na si Soo-yeon (ginampanan ni Moon Geun-young).

Mula sa isang mental institution, umuwi si Soo-Mi sa kaniyang tahanan sa isang probinsya kung saan kasama nito ang kaniyang ama (ginampanan ni Kim Kap-su), ang nakababatang kapatid at ang kanilang stepmother na si Eunjoo (ginampanan ni Yum Jung-ah).

Umusad ang pelikula nang makita ni Eunjoo ang labi ng kaniyang alagang ibon at mga litratong may mga bayolenteng guhit, at bilang ganti, ikinulong nito si Soo-yeon sa kabinet, kung saan agad namang nalaman ni Su-mi at ipinagbigay alam sa ama.

Mula rito, sinabi ng ama na matagal nang patay si Soo-yeon, at dito na nabunyag na mayroong dissociative disorder si Soo-mi, at ang pinaniniwalaang si Soo-yeon ay parte na lamang ng kaniyang hallucination dahil sa kondisyon.

7. Incantation (Taiwan, 2022)

Matapos ang 6 na taon, nakalabas si Li Ruo-nan (ginampanan ni Hsuan-yen Tsai) sa isang psychiatric facility at muling nakita ang anak na si Dodo (ginampanan ni Sin-Ting Huang).

Sa pagbabalik tanaw ni Ruo-nan, ikinuwento nito ang pagpunta sa isang liblib na nayon kasama ang kaniyang nobyo na si Chen Li-Tung (ginampanan ni Sean Lin) at pinsan na si Chen Chen-Yuan (ginampanan ni Ching-Yu Wen), kung saan, kanilang layong bisatahin ang kanilang mga kamag-anak na sumasamba kay Mother Buddha.

Pinagbawalan ng mag-pinsan na sumali sa ritwal si Ruo-nan dahil ito’y buntis.

Umusad ang pelikula nang pumasok sa isang kuweba ang mag-pinsan na may dalang camera dahil sila rin ay mga ghostbuster, sa kasamaang palad, sila’y nasawi at nasira ang video footage mula sa camera.

Makalipas ang ilang taon, binagabag ng mga masasamang espiritu ang bata na si Dodo, at nalaman ng ina na ang tinatawag nilang Mother Buddha ay isang masamang elemento na sumumpa sa kanila.

KAUGNAY NA BALITA: 'Huwag kang lilingon!' Paano maiiwasan ang malas ngayong 'ghost month?'

Sean Antonio/BALITA