Ang nicotine addiction dala ng paggamit ng mga produktong tabako ay nananatiling problemang medikal sa bansa, kung saan, ang patuloy na pagtaas ng adult tobacco at vape use ay ang itinuturong panganib na nagdudulot ng iba’t ibang sakit sa puso at baga.
Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit-kumulang 6 na milyon ang namamatay taon-taon dahil sa paninigarilyo, at mahigit 600,000 dito ay dahil sa second-hand smoke.
Kung kaya’t may ilang batas na ipinasa ang gobyerno para kontrolin ang pagbebenta at paggamit ng mga produktong tabako para sa kaligtasan ng publiko, ito ang Republic Act No. 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003 at Republic Act No. 11900 o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act na kilala rin bilang Anti-Vaping Act.
Ngunit sa kabila ng mga panganib na badya ng tabako, may iilan pa ring Pilipino ang naeenganyo sa paninigarilyo, kung saan, ayon sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong mahigit-kumulang 17.3 milyong Pilipino, simula edad 15, ang active smokers.
At ang kasalukuyang trend sa mga ito ay ang Vape o e-Cigarette dahil sa paniniwalang mas ‘safe’ kaysa sa nakasanayang sigarilyo ng karamihan.
Ayon sa Medical News Today, habang mas malakas ang epekto ng paninigarilyo kaysa vaping, hindi pa rin ligtas ang vaping, at parehas itong hindi nakabubuti sa kalusugan.
Ilan sa mga panganib na dala ng vaping:
Ang vape o e-cigarette ay mayroong malaking dose ng nicotine na nakakapagpabago ng chemistry sa utak na maaaring magdulot ng ilang psychiatric disorders tulad ng depressive at bipolar disorder, sakit sa puso, at chronic obstructive pulmonary disease (COPD).
Ang nikotina rin ay isang kemikal na nagdudulot ng adiksyon at kung matagal mae-expose ang katawan rito, ay magdudulot ng cravings at withdrawals.
Isa pang kemikal na nasa vape ay ang diacetyl na nagdudulot ng sakit sa baga, at ang aerosol na mayroong mga sangkap na nagdudulot ng kanser, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC).
Ilan sa mga panganib na dala ng paninigarilyo:
Ayon din sa pag-aaral ng American Cancer Society, ang sigarilyo o cigarettes, cigars, at pipe tobacco ay nagdudulot ng kanser, sakit sa puso, at baga dahil sa kemikal nitong carcinogen.
Ayon sa Medical News Today, mayroon din itong tar, na isang sangkap na nakaaapekto sa paghinga dahil sa pagbara nito sa baga.
Naglalabas din ng carbon monoxide ang tobacco, ang parehas na usok na nilalabas ng mga sasakyan, kung saan nagdudulot para palitan ang hangin sa loob ng katawan at nagdudulot ng malfunction sa iba’t ibang parte ng katawan.
Ang sigarilyo rin ay nagdudulot ng stroke, at ayon sa National Institutes of Health (NIH), ay nakapagdudulot ng pagkarupok ng mga buto, at iba pang autoimmune conditions tulad ng Crohn’s disease, rheumatoid arthritis, ulcerative colitis, at systemic lupus erythematosus.
Ang vaping at paninigarilyo ay parehong mapanganib sa katawan, at ang mga nasa artikulong ito ay iilan pa lamang sa mga panganib na dala nito.
Mahalaga ring tandaan na ang mga epekto nito ay hindi humihinto sa gumagamit dahil ang usok nito’y nakakaapekto rin sa mga nakalalanghap ng usok nito.
Ito’y tinatawag na second hand smoke exposure, kung saan ayon sa DOH, ay nagdudulot ng coronary heart disease, stroke, lung cancer, hika, impeksyon sa tenga, at sudden infant death syndrome (SIDS) sa mga sanggol.
Sean Antono/Balita