Binanatan ni Manila 6th District Rep. Bienvenido "Benny" Abante, Jr., si Baguio City Mayor Benjamin Magalong hinggil sa mga akusasyon nito laban sa Kamara sa isyu ng flood control project.
Sa pamamagitan ng Facebook post nitong Sabado, Agosto 23, 2025, tahasang hinamon ni Abante si Magalong na siputin ang imbestigasyon ng Kamara hinggil sa umano'y anomalya ng nasabing proyekto.
"Mayor Magalong says he will not apologize. Then he must do the honorable thing: appear at our hearings, name names, submit documents, and testify under oath," ani Abante.
Pinuna rin ni Abante ang kawalang basehan daw ng mga akusasyon ni Magalong laban sa hanay ng Kamara.
"Sweeping accusations without bases accomplish nothing. If he wants to accomplish something tangible, then present concrete evidence. Then together we can hold the wrongdoers accountable," anang mambabatas.
Dagdag pa ni Abante, "Pero imbes na magtulungan tayo, sinasabi n'yang moro-moro ang aming imbestigasyon, para bang lahat kaming kongresista ay kasabwat."
Inihalintulad din ni Abante si Magalong sa isa umanong latang walang laman, kung hindi raw ito haharap sa pagdinig ng imbestigasyon ng Kamara sa usapin ng flood control project.
"Results beat rhetoric every time. If Mayor Magalong refuses to face the committee with evidence, then he is nothing more than an empty can; maingay pero walang laman," aniya.