Isang hirit ang pinakawalan ni Unkabogable Star Vice Ganda patungkol sa maanomalyang flood control projects ng gobyerno.
Sa latest episode ng “It’s Showtime” nitong Biyernes, Agosto 22, inusisa ni Vice kung taga-saan ang isa sa mga contestant ng “Laro Laro Pick” na nagngangalang “Sem.”
Nang malaman niyang taga-Bulacan ang kalahok, kinumusta ng Unkabogable Star ang kalagayan ng lugar na tinitirhan nito.
“Kumusta naman diyan? Binabaha ba kayo ‘pag may bagyo?” tanong ni Vice.
“Hindi,” sagot ni Sem. “Mataas naman po ‘yong lugar namin.”
Sundot tuloy ni Vice, “So hindi nagkanakawan ng flood control projects diyan sa lugar ninyo?”
Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kamakailan, inamin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na ghost projects umano ang ilan sa flood control na ipinagkaloob sa Wawao Builders, Inc. sa Bulacan.
Ayon kay Bonoan, umabot umano sa ₱5.9 bilyon ang halaga ng kontratang ibinigay sa nasabing kompanya.
MAKI-BALITA: DPWH Sec. Bonoan, inaming 'ghost projects' ilan sa flood-control projects ng Wawao Builders!
Nauna nang binakbakan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa ikaapat niyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo ang mga umano’y nangurap sa flood control project na lalong nagpalala ng baha sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong.
MAKI-BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'