Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking delivery rider na naaresto sa isang jewelry shop sa Quezon City.
Ayon sa imbestigasyon, itinakbo umano ng nasabing rider ang perang ire-remit sana nito sa kanilang kompanya.
Base sa ulat ng La Loma Police Station, kamakailan lamang ay nanghingi sa kanila ng saklolo ang delivery rider matapos umano itong maholdap, ngunit napag-alaman din nilang gawa-gawa lamang ito ng suspek sapagkat naipatalo na ng rider ang pera sa sabong.
“Nang pinuntahan ng follow-up operatives natin ‘yong area at ni-review ‘yong CCTV, nakita na wala naman pa lang nangyari doon sa area. Tinutukan daw siya ng baril pagholdap sa kaniya, tapos binigay nya ‘yong nakuha niyang pera, amounting to ₱326,000. ‘Yon pala gawa-gawa niya lang,” anang pulisya.
“Umamin po siya na nadispalko ‘yong pera at ginamit pangsabong. Inamin po niya ito sa kaniyang manager,” dagdag pa nila.
May narekober pa mula sa suspek na halos ₱11,000 sa suspek at ilang piraso ng mga alahas.
Dahil dito, sinampahan na ng “qualified theft” ang 33 taong gulang na delivery rider.
Nagpapaalala naman ang pulisya sa lahat na mag-ingat sapagkat matagal nang talamak ang “holdup me” modus.
"Ito po ‘yong mga tao na magde-declare na hinoldap sila, pero sa totoo lang nadispalko nila ‘yong pera nila o nagastos sa bisyo, para mapagtakpan ‘yong pagkawala nung pera,” anila.
Nasa ilalim na ng kustodiya ng La Loma Police Station ang nasakoteng rider.
Vincent Gutierrez/BALITA