Nagsampa ng complaint affidavit ang limang opisyal ng Philippine National Police (PNP) Highway Patrol Group (HPG) sa dati nilang hepe sa Special Operations Division (SOD) ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Sa naging pagdinig sa NAPOLCOM ngayong Biyernes, Agosto 22, inireklamo si dating HPG - SOD Police Colonel Rommel Estolano kaugnay umano sa pagprotekta ng isang high profile na indibidwal at pagmamanipula ng mga ebidensya sa isang kaso.
Sa pagdinig, nagpakita ang mga nagreklamong pulis ng mga video bilang ebidensya sa mga katiwaliang ginawa ni Estolano.
Ayon sa kanila, may pangyayari noon na-dismiss ang kanilang sinampang kaso sa isang nagngangalang JJ Javier Reyes sa Parañaque dahil sa impluwensya ni Estolano sa mga heneral at iba pang mason.
Nagawa pa umanong diktahan ni Estolano ang imbestigador ng mga pulis at bigyan naman ng pagtrato bilang very important person (VIP) si Javier.
Sa ikatlong video clip na inilatag ng mga pulis, ipinakita nila ang pag-iinuman nila Estolano, Javier at iba pa umano nitong kaibigan sa labas ng opisina sa compound ng SOD.
Sa pagkukuwento ni Senior Master Sgt. Aladin Orale, sinampahan sila ni Estolano ng mga kaso noon dahil nasuhulan na umano ito ng milyon-milyong halaga.
“Kinasuhan niya kami ng mispatience tapos arbitrary detention [at] mis incriminating person dahil nasuhulan na siya ni JJ Javier Reyes noong gabi na iyon milyon-milyon na halaga,” saad ni Orale.
Dagdag pa niya, “unang una po ay binigyan si Estolano ng dalawang milyon para po ma-discredit ‘yong mga ebidensya. Para po ma-dismissed ‘yong aming ikakaso sa Quezon City para sa mga nadiskubre naming baril at tsaka bomba[...]”
Pinanindigan din nila Orale na nakita nila ang pag-aabot kay Estolano ng kasunod pang lagay na nagkakahalaga ng apat (4) na milyon mula sa mga abogado ni Reyes.
“Natanggap po ni Colonel Estolano po ‘yong halos apat na milyon noong gabi. Nakita mo pa namin yon na tinanggap niya. Hinatid ng kaniyang [ni Reyes] mga attorney[...],” anang Orale.
Ayon po sa kampo nila Orale, lumapit sila sa NAPOLCOM upang mapabulaanan ang isinampang kaso sa kanila ni Estolana sa Ombudsman at maprotektahan ang kanilang sarili at pamilya dahil malaking tao umano ang idinidiin nilang hepe.
Mc Vincent Mirabuna/Balita