Nagsalita na ang digital content creator na si Clyde Vivas matapos ang ginawang pag-amin ng kaniyang ex-partner na si “Miss Q and A 2018” 2nd runner-up at Miss International Queen Philippines 2023 Lars Pacheco sa panloloko nito sa kaniya.
Mapapanood sa isang Facebook post ni Vivas nitong Huwebes, Agosto 21, na labis din umano siyang nag-alala sa kaniyang sarili matapos malaman ang ginawa sa kaniya ni Lars.
“Actually, ilang araw na akong walang tulog din, three days simula noong nalaman ‘yon. Nagkaroon ako ng anxiety, lagi akong nagpapa-BP (blood pressure) ngayon dahil lagi akong nagchi-chills, nanlalamig ‘yong buong kamay ko, paa, so nag-worry din ako sa sarili ko dahil gusto ko pang mabuhay,” ani Vivas.
“Siyempre masakit talaga para sa akin ‘yon noong nalaman ko ‘yon, pero guys, wala na tayong magagawa, nangyari na,” dagdag pa niya.
“So bago ko malaman lahat ‘yon, one week ago siguro, napapansin ko na si Lars parang lagi siyang balisa, lagi siyang malungkot. Sabi ko nga sa sarili ko noong napapansin ko siyang ganoon, may something wrong or may problema siyang siguro iniisip kasi iba ‘yong pakiramdam ko rin na parang gusto ko siyang tanungin kung anong problema, pagod ka ba, ganoon,” aniya.
“Pero kasalanan ko rin kasi ‘di ko siguro siya tinatanong. Baka mamaya, ‘yon na pala ‘yong time para tanungin ko siya na aminin na niya sa akin lahat ng mga pagkakamali niya,” dagdag pa niya.
Humiling naman si Vivas na sana ay huwag putaktihin si Lars ng anumang pambabash, dahil baka may pinagdaraanan din daw ito na hindi niya nalalaman.
“Guys, gustong kong huwag n’yo nang i-bash si Lars kasi naawa ako, e. Mayroon siguro siya talagang dinadalang problema na ‘di ko alam. Huwag na natin sya i-bash at guys, mas maganda na suportahan na lang natin siya kung ano man ang desisyon niya sa buhay ngayon, ‘yon na lang din gagawin ko,” ani Vivas.
Emosyonal ding ibinahagi ng content creator na kinuwestiyon niya ang kaniyang sarili noong malamang tatlong beses siyang niloko ng ex-partner niya.
“Iyon din, nalaman ko na hindi lang isa, hindi lang dalawa, kung hindi tatlong beses niyang nagawa sa akin ‘yon nang wala akong kamalay-malay. Noong nalaman ko ‘yon, inisip ko na sarili ko, deserve ko ba ‘yon, may nagawa ba akong mali para magawa niya ‘yon sa akin,” aniya.
“And then, binabalik-balikan ko ‘yong mga taon na ang saya namin, wala kaming iniisip na problema. Feeling ko, wala talaga akong nagawa guys, kasi buong buhay ko binigay ko sa kaniya, doon sa seven years na ‘yon,” dagdag pa niya.
Inamin niya ring hindi madali ang pinagdaraanan sapagkat umabot sila ng pitong taon ng kanyang dating kasintahan. Pero kahit ganoon pa man, malaki pa rin daw ang pasasalamat ni Clyde kay Lars.
“Sa totoo lang, kung ‘di dahil rin kay Lars, di n’yo naman ako makikilala talaga, kaya sobrang laki ng pasasalamat ko sa kanya dahil sa loob ng seven years, ang dami ko ring natutunan sa kaniya. Sobrang thankful ko dahil nakilala kita,” ani Vivas.
“Gusto ko lang din sabihin sayo, mahal na mahal kita sobra. Mahal na mahal kita pero kailangan kita i-let go,” pagtatapos niya.
Matatandaang ibinahagi ni Lars ang kaniyang mga nagawa kay Clyde sa isang Facebook post niya nitong Huwebes, Agosto 21.
MAKI-BALITA: Lars Pacheco, inaming maraming beses nag-cheat sa kaniyang jowa-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA