Naglabas ng saloobin bilang isang mamamahayag ang radio at television newscaster, journalist, at TV host na si Arnold Clavio kaugnay sa isyu sa pagitan nina Pasig CIty Mayor Vico Sotto, Julius Babao, at Korina Sanchez.
Maki-Balita: Vico Sotto, sinita mga journalist na umano'y tumatanggap ng bayad sa interview
Sa Instagram post na ibinahagi ni Clavio ngayong Biyernes, Agosto 22, tinukoy niya ang ilang mga sinabi ni Mayor Vico mula sa kaniyang Facebook post kagabi patungkol sa mga journalist na di umano’y tumatanggap ng bayad kapalit ng interview.
"Mayor, kung mayroon kang matibay na ebidensiya laban kina Babao at Sanchez, na nagpabayad sa mag-asawang Discaya para sila ay makapanayam, ilantad mo," ani Clavio.
Sinabihan ni Clavio si Sotto na huwag magtago sa mga pasaring at sabihin mismo ang nalalaman nito kaugnay sa sinabi nito na halagang ibinayad umano sa mga mamamahayag.
“Kung hindi ka sigurado sa P10 milyong piso, magkano ba? O mayroon ba? Dahil sabi mo, ‘alam ninyo na.’ Hindi ko ito inaasahan na manggagaling sa iyo ang napaka-iresponsableng pahayag na ito?
“Huwag kang magtago sa mga pasaring, parinig o haka-haka, dahil sa industriya namin mahalaga ang terminong ‘verification’ ng facts sa pagbabalita[...]” saad ni Clavio.
Kinuwento niyang dumaraan sa proseso at sinasala ang bawat panayam na ginagawa nila sa mga news outlet na pinagtatrabahuhan niya.
Aniya, ang akusasyon ni Sotto ay hindi makatarungan hindi lamang kina Babao at Sanchez kundi pati na rin sa buong industriya ng pamamahayag.
Nilinaw naman ni Clavio na hindi siya kumakampi sa dalawang kapuwa niya mamamahayag bagkus ay nais lamang niyang proteksyunan ang buong industriya ng kaniyang pinagtatrabahuhan.
“Hindi ito para ipagtanggol ko ang dalawang mamamahayag sa paninira ni Sotto kundi ang ma-proteksyunan ang buong industriya ng pamamahayag - na kinukuhanan ng impormasyon ng publiko,” aniya.
Dagdag pa niya, may kinakaharap ngayon na hamon ang mga mamamahayag partikular sa social media dahil marami ang nais sirain at kuwestiyunin ang kredibilidad ng maraming pahayagan sa Pilipinas.
Pinayuhan nito na huwag na lang makisawsaw si Sotto sa mga kaganapan ng mapanganib na panahon dahil lamang sa politikal umano nitong interes.
Iginiit niyang parehas lang naman sila ng layunin ni Sotto na magkaroon ng malinis na gobyerno bansa pero huwag naman daw umano nito sarilihin lang ang pagiging malinis at matuwid.
“Parehas tayo ng layunin - magkaroon ng malinis na gobyerno . Pero huwag mo namang isingit sa kamalayan ng mga pilipino na ikaw lang ang malinis at matuwid,” ‘ika ni Clavio.
Kinuwestiyon din niya ang sinabi ng mayor tungkol sa kung anong ibig sabihin nito sa “grey area.”
Hindi tuloy napigilan ni Clavio na tanungin si Sotto kung ano nga ba ang nalalaman nito sa propesyon ng mga katulad niyang mamamahayag.
“Ano ang alam mo sa propesyon namin Mayor? Ano ang ‘grey areas’ na binabanggit mo? Gusto kong malaman,” pagtatanong niya.
Sa huli, nilinaw ni Clavio na respesto ang pairalin sa pagitan ni Sotto at mga katulad niyang mamamahayag.
“May trabaho ka. May trabaho rin kami. Respeto. Walang Personalan,” pagtatapos niya sa kaniyang post.
Samantala, naglabas na rin ng pahayag ang programa ni Korina, maging si Julius.
Maki-Balita: Julius Babao sa ₱10M na bayad ng mga Discaya: ‘Walang katotohanan!’
Mc Vincent Mirabuna/Balita