Rumatsada na sa Senado ang imbestigasyon hinggil sa umano'y mga anomalya at korapsyon sa konstruksyon ng mga flood control project.
Ang proyektong inaasahang dapat sana’y isa sa mga magiging solusyon sa pagbaha—ngayon ay lubog sa kontrobersiya.
Matapos ang matalas na paninita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa nasabing proyekto sa kasagsagan ng kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), tila mabilis na nailantad ang mga pangalan at lugar na matagal na ring nilubog ng korapsyon.
“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n'yo lang ang pera!” saad ni PBBM sa SONA.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'
Ang pagpuna ng Pangulo, nasundan ng paglulunsad ng isang website na tinawag na “Sumbong sa Pangulo,” isang flood control tracker na maaaring direktang pagsumbungan ng taumbayan hinggil sa mapapansing mga anomalya sa konstruksyon ng mga flood control project.
KAUGNAY NA BALITA: 'Sumbong sa Pangulo' flood control tracker, inilunsad ni PBBM: 'Ako mismo ang babasa!'
Matapos ang naturang pagululunsad ng nasabing website, pinangalanan ni PBBM ang mga lugar na pinagpugaran ng mga flood control project—mga lugar na ayon sa Pangulo ay taliwas sa listahan ng mga lugar na binabaha.
Nangunguna ang Bulacan sa top 10 provinces sa flood control projects na may 668, sinundan ng Cebu-414; Isabela-341; Pangasinan-313; Pampanga- 292; Albay-273; Leyte-262; Tarlac-258; Camarines Sur-252 at Ilocos Norte na 224.
Habang ang mga lugar namang kalimitan umanong binabaha ay ang: Pampanga, Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Bulacan, Maguindanao, North Cotabato, Oriental Mindoro at Ilocos Norte.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado laban sa mga kontraktor na nakatanggap nang malalaking pondo para sa nasabing proyekto.