Patay na nang natagpuan ang bangkay ng isang 55 taong gulang na nanay matapos umano siyang patayin ng sariling anak sa Plaridel, Misamis Occidental.
Ayon sa mga ulat, nagsisimula nang mabulok ang bangkay ng biktima nang marekober ito ng mga awtoridad.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nangyari ang krimen noong Biyernes, Agosto 15, 2025 ngunit nai-report ito noong Miyerkules, Agosto 20, matapos umanong maamoy na ng mga kapitbahay ang tila nabubulok at masangsang na amoy sa bahay ng biktima.
Batay pa sa imbestigasyon ng mga awtoridad, noong Agosto 15 din daw ng umuwi ang 15-anyos na suspek at anak ng biktima sa kanilang bahay. Humingi umano ito ng pagkain sa kaniyang ina ngunit hindi siya napagbigyan.
Bunsod nito, doon na raw sinuntok nang paulit-ulit ng suspek ang kaniyang ina hanggang sa bumagsak ito sa sahig. Habang nasa sahig, doon na raw inuntog ng suspek ang ulo ng kaniyang ina hanggang sa mawalan ito ng malay.
Sinubukan pa raw itago ng suspek ang bangkay ng kaniyang ina sa ilalim ng kama kung saan binalutan niya ng plastic ang ulo nito na dahilan upang tuluyang malagot umano ang hininga ng biktima.
Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek matapos ang kaniyang kusang-loob na pagsuko sa pulisya. Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa kaso ng menor de edad na suspek.