Patay ang isang 14 taong gulang na binatilyo matapos siyang maputukan ng umano’y baril na dala niya sa pagnanakaw sa Lantapan, Bukidnon.
Ayon sa mga ulat, pinasok umano ng biktima ang isang paaralan kung saan nakuha niya ang welding machine at grinder.
Nahuli raw ng nagbabantay ng nasabing paaralan ang pagtakas ng suspek dahilan upang habulin niya ito. Maya-maya pa, nagpambuno na raw ang dalawa matapos kung saan aksidenteng pumutok ang .38 caliber na revolver ng binatilyo.
Nagtamo ang binatilyo ng tama sa kaniyang tiyan na tumagos hanggang sa likod niya. Nagawa pang maisugod sa ospital ang bata ngunit kalaunan ay pumanaw rin ito.
Samantala, desido namang magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa guwardiya ng nasabing eskwelahan. Kaugnay nito, nilinaw na ng mga awtoridad na isa raw robbery incident ang nangyari sa biktima at hindi shooting incident.
Ayon sa kaanak ng biktima, nakatakda silang magsampa ng homicide case laban sa guwardiya ng paaralan.
Kumbinsido naman ang principal ng paaralan na wala umanong foul play sa pagkamatay ng biktima lalo na’t hindi raw iisang beses na nagnakaw ang biktima sa kanila.