Ginunita ang ika-42 na anibersaryo ng pagpaslang sa dating senador na si Benigno Simeon “Ninoy” Aquino Jr. sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaninang umaga Agosto 21, 2025.
Pinangunahan ang seremonya ng mga miyembro ng August Twenty One Movement (ATOM) kasama si Senador Paolo Benigno "Bam" Aquino.
Sa Facebook post na ibinahagi ni Sen. Bam, ginunita niya ang mga alaala niya noong malapit pa lamang sa natatandaan niya kaugnay kay Ninoy.
“42 years ago, sa araw na ito, umuwi si Tito Ninoy at nabaril sa Manila International Airport.
Ako po ay ipinanganak noong 1977, panahong nakakulong siya sa Fort Bonifacio. Kaunti lang ang oras na nakasama ko siya—madalian lang ang mga dalaw noon[…]” pagkukuwento ni Bam.
Ayon sa senador, kapag daw dumadalaw sila sa piitan ni Ninoy, madalas magbiro si Ninoy na iwan ang batang si Bam para naman may makasama ito.
“Kuwento ng aking mga magulang, tuwing dinadala raw nila ako, biro ni Tito Ninoy: ‘Paul at Melanie, iwan niyo na si Bam dito para may kasama naman ako!’ At siyempre, iiyak daw ako at sasabihing, ‘Ayoko po, gusto ko pong umuwi.’ Iyon ang una kong alaala sa kanya,” aniya.
Sa pagpapatuloy ni Bam, inalala niya ang panahon noong napaslang ang kaniyang Tito Ninoy at nagawa niya umanong magsalita sa entablado at umikot sa Pilipinas kasama ng kaniyang Lola Cory para ipahayag ang nangyari sa kaniyang tiyuhin at labanan ang Batas Militar.
Naidagdag pa niya na dito nagsimula ang karanasan niya sa pagsasalita sa unahan ng publiko.
“Doon nagsimula ang buhay ko bilang isang speaker—isang pagkakataong humubog ng malalim na koneksyon sa alaala niya,” pagbabahagi nito.
Ayon pa kay Sen. Bam, batid niya na alam ng kaniyang tito na mapanganib ang desisyon nitong pagbabalik sa Pilipinas noong 1983 ngunit humanga siya sa tapang na naipakita ng dating senador.
“Nang pinili niyang umuwi noong 1983, alam niyang mapanganib, alam niyang maaari siyang makulong o mapatay. Pero pinili pa rin niya. Sapagkat para sa kanya, mas mahalaga ang makasama ang sariling bayan kaysa manatili sa Amerika na ligtas at mapayapa,” pagpapatuloy niya.
Tinukoy niya rin na ang mga kaganapang nangyari kay Ninoy ay isang bagay na may malaking alaala para sa kaniya upang matutunang mamuno nang may tunay na nagmamahal.
“Hanggang ngayon, iyon ang pinakamalaking alaala niya para sa akin. Ang tunay na pamumuno ay nakaugat sa pagmamahal—sa Diyos, sa pamilya, at higit sa lahat, sa bayan,” anang senador.
“Sa hirap o ginhawa, sa gulo man o katahimikan, tandaan natin: Yes, the Filipino is worth dying for and worth fighting for,” pagtatapos ng senador.
Kaugnay na Balita: BALITAnaw: Agosto Biente Uno: Ang pagpaslang kay Ninoy Aquino
Kaugnay na Balita: BALITAnaw: Ang saysay sa kasaysayan ng laging nagmamadaling si Ninoy
Kaugnay na Balita: #BalitaExclusives: Sino si Ninoy Aquino sa pananaw ng apo niyang si Kiko Dee?
Mc Vincent Mirabuna/Balita