Kilala ang mga Pilipino bilang magagalang na mga indibidwal, lalo na sa mga nakatatanda.
Ayon nga sa ating kultura, nararapat na mahalin at respetuhin ang ating mga magulang, mga tito at tita, at kahit sino pang mas nakatatanda sa atin.
Ngayong “Senior Citizen’s Day,” ating mas pairalin ang respeto at pagmamahal para sa kanila, at alamin kung paano nga ba bibigyang importansya sina lolo at lola sa kanilang espesyal na araw.
1. Magmano sa kanila kung sila ay makikita o makasasalubong Nakagawian naman na ng lahat na magmano sa kanilang mga lolo at lola kapag ito ay nakasasalubong nila, ngunit sa panahon ngayon, kalimitan ay nakalilimutan na ito. Ngayong araw, ipadama sa mga minamahal na lolo at lola na kahit sila ay matanda na, nandoon pa rin ang pagmamahal at pagrespeto sa kanila.
2. Huwag kalimutan ang “po” at “opo” kapag sila ay kauusapin
Tulad ng pagmamano, ang “po” at “opo” ay parte ng rin ng kulturang Pinoy bilang paraan ng paggalang sa mga nakatatanda. Sa pakikipag-usap sa kanila, mabuting ipakita ang disiplina at respetong nararapat na ibigay para sa kanila. Sa simpleng “po” at “opo,” mararamdaman ng mga nakatatanda na sila ay mahalaga at minamahal pa rin ng mga taong mas nakababata sa kanila.
3. Ipagluto ng masustansiyang pagkain at sundin ang kanilang mga utos Mahalaga na ipakita sa mga lolo at lola na handa silang pagsilbihan, sa kabila ng kanilang edad. Bilang mas nakababata, gumawa ng paraan upang mapanatili ng mga lolo at lola ang kanilang malusog na pangangatawan. Ipagluto sila ng pagkaing mayaman sa nutrisyon, sapagkat kailangan nila ito upang mas maging malakas.
Matutuwa rin sila kung ang simpleng mga utos nila ay nasusunod, tulad ng pagpapaabot ng gamit, pagpapakamot ng likod, o kaya naman ay pag-alalay sa pagtayo at pag-upo.
4. “Intergenerational activities”
Magsagawa ng mga aktibidad na maaaring makasali ang mga lolo at lola, upang maramdaman nila na sila ay kabilang pa rin sa pamilya. Puwedeng sa paraan ng palaro, retreat activities, o kaya naman ay buffet o picnic style. Siguraduhin lamang na maging handa sa mga maaaring mangyari, halimbawa’y mapagod si lolo at lola, o kaya naman ay mga hindi inaasahang pangyayari.
5. “Health and Wellness activities”
Totoo ang kasabihan ng mga matatanda na “papunta pa lang kayo, pabalik na kami.” Napagdaanan na nila ang mga bagay na haharapin pa lamang ng marami, kung kaya’t dapat silang pakinggan, unawain, mahalin, at respetuhin — hindi lamang ngayong “Senior Citizen’s Day,” kung hindi araw-araw.
Vincent Gutierrez/BALITA