December 15, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

KILALANIN: UP prof na kinilala ng KWF sa paglikha ng board game na nagsusulong sa katutubong wika

KILALANIN: UP prof na kinilala ng KWF sa paglikha ng board game na nagsusulong sa katutubong wika
Photo courtesy: DHUM (website), Unsplash

May iba’t ibang epektibong paraan upang matuto ang isang bata sa mga bagay na kaniyang napag-aaralan. 

Para sa mga guro, hindi maaaring malimitahan ng apat na sulok sa loob ng silid-aralan ang pagkahubog at pagkatutong makakamtan ng isang estudyante. 

Kaya, karamihan sa mga guro ay ibinubuhos ang kanilang buong enerhiya, talino, at pagsisikap upang maka-isip ng mga bagong bagay para ganap na matuto ang mga bata.

Isa sa mga pinakamagandang halimbawa nito ay ang nilikhang larong disenyo ng Communication Arts Assistant Professor sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) at Learning Resource Center Director Mariyel Hiyas Liwanag. 

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 8 mga putahe na kasya sa ₱1,500 para sa Noche Buena

Ito ang sentro ng kaniyang naging papel-pananaliksik sa doctoral degree na may titulong “Isabuhay: Isang larong disenyo para sa mga diskurso ng mga wikang katutubo.” 

Nagdisenyo si Liwanag ng table-top game o board game na may epektibong kakayahang matalakay o matutunan ng mga mag-aaral sa high school o maging sa kolehiyo ang mga katutubong wika ng Pilipinas. 

Upang laruin ang Isabuhay, kinakailangang mahati ang koponan ng mga mag-aaral sa apat na miyembro. Ang miyembro ng grupo ay may kani-kaniyang partikular na papel na gagawin. Halimbawa ng pagiging guro, estudyante, mananaliksik, tagapagtaguyod ng wika, o ahensyang tumutugon upang mapangalagaan ang isang wikang katutubo. 

Layunin ng guro na maipakilala sa mga mag-aaral ang mga wikang nalalapit na sa panganib ng pagkawala. 

Naniniwala ang propesor na maaaring matuunan ng naturang laro ang bagay na salik ng pagiging buhay ng wika at kung paano ito namamatay sa pamamagitan ng iba’t ibang mga sosyo politikal at kaganapan sa Pilipinas. 

Ang idinisenyo larong ito ni Liwanag ay pinarangalan ng Gawad Julian Cruz Balmaseda sa pagkilala ng Komisyon ng Wika sa Filipino (KWF) noong Enero, 2025. 

KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Mga nagwagi sa Gawad Julian Cruz Balmaseda 2025 ng KWF

Matatandaang sinabi ni Liwanag sa press conference ng KWF noon na gusto niyang magamit ng mga guro ang Isabuhay bilang alternatibong materyal panturo ng wikang Filipino. 

“Ang layunin ko naman po talaga no’ng idinesenyo ko ang laro ay maging open access po siya sa mga guro. Kasi idinisenyo ko po itong larong ito bilang isang alternatibong materyal panturo na ang layunin ay ihatid ‘yong usaping pangwika sa isang anyong malapit sa mga mag-aaral,” saad ni Liwanag.

Nagkamit si Liwanag ng ₱100,000 premyo para sa kaniyang binuong disertasyon. 

Ngayong buwan ng Agosto, ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika. 

Ito ang pinakamagandang panahon upang gamitin o malaman ng mga guro ang larong ito sa pagsusulong at pagpapayabong pa ng wikang Filipino. 

Maaaring maging behikulo ang larong ito upang magkaroon ng kamalayan ang mga mag-aaral sa iba’t ibang katutubong wika bukod sa wikang sinasalita nila sa isang partikular na rehiyon. 

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika, may halaga pa rin ba?

Mc Vincent MIrabuna/Balita