Binisita ng magkapatid na sina Veronica “Kitty” Duterte at Vice President Sara Duterte ang kanilang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague.
Makikita sa larawan ng Instagram story ni Kitty na magkasama silang magkapatid na si VP Sara sa harapan ng International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague, Netherlands noong Miyerkules, Agosto 20 kung saan naroon ngayon ang dating pangulo.
Naikuwento niya na “cheerful” pa rin ang kanilang tatay nang bisitahin nila itong dalawa ng kaniya kapatid.
“He was very cheerful and lively today[...] As we entered the room, nandoon na siya. Siguro dahil alam niya na kami ‘yong bibisita[...] Naka-smile at nagbeso kami, nagmano, [at] nag-hug. Ang sabi niya ‘my little girls’. Yon ‘yong tawag niya sa amin ng sister ko[...]” pagbabahagi niya.
Ayon kay Kitty, nagbigay rin ang kanilang ama ng payo para sa kanilang magkakapatid at nalulungkot din umano ang dating pangulo.
“He gave fatherly advice[...] Of course, nagbilin siya sa mga apo [niya] whenever they can visit, kasi he feels lonely talaga,” patuloy niya.
Dagdag pa niya, “But I think, my sister and I visiting him today, really gave him the [support to] keep moving forward and keep fighting,”
Samantala, sa pagpapatuloy ng panayam niya sa mga tagasuporta ni dating Pangulong Duterte, naibahagi rin ni Kitty na naghihintay lang sila na magkasabay silang apat na magkakapatid makabisita sa kaniya.
“We are waiting for the schedule of Congressman Pulong and Vice Mayor Baste, as of now. Actually, everything was kind of rushed. So we are still arranging it. I think, it’s either by the end of the month or next month [ay] magsasabay kaming apat kasi ‘yon ‘yong special request niya [FPRRD],” ‘ika ni Kitty.
Nilinaw naman ni Kitty na hindi pa sila sigurado kung makakabalik ba si VP Sara bago ang kompirmasyon ng mga susunod na desisyon kaugnay sa kasong dinidepensahan ni dating Pangulong Duterte.
“Not that I do not know, but she is planning out her schedule. Because we cannot say for sure pa. Hindi naman [siya] basta-bastang puwede umalis,” sagot ni Kitty.
Sa huli, nag-iwan ng mensahe si Kitty para sa mga tagasuporta ni dating Pangulong Duterte.
Nananatili sa kustodiya ng ICC si dating Pangulong Duterte na nahaharap sa reklamong crimes against humanity kaugnay ng kaniyang naging madugong kampanya kontra ilegal na droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Mc Vincent Mirabuna/Balita