Naglakas-loob na ibenta ng komedyanteng si Eric Nicolas kay Boss Toyo ang boxing gloves ni Philippine National Police (PNP) chief General Nicolas Torre III sa halagang ₱500,000.
Ginamit ang boxing gloves sa naunsyaming charity boxing match ni Torre at ni acting Davao City mayor Sebastian “Baste” Duterte noong Hulyo 27 sa Rizal Memorial Coliseum.
KAUGNAY NA BALITA: Suntukang Torre-Baste, gaganapin sa Rizal Memorial Coliseum; boxing ring, inihahanda na?-Balita
KAUGNAY NA BALITA: Naunsyaming tapatang Duterte-Torre, pumaldo ng tinatayang ₱15M-Balita
Sa isang episode ng PP Stars Inc. o Pinoy Pawnstars kamakailan, ibinahagi ni Nicolas na nakuha niya sa naunsyaming laban ang boxing gloves na may autograph ng PNP chief.
Si Nicolas ang nag-host ng naturang laban nina Torre at Duterte.
Ibinahagi rin niya na may dahilan kung bakit nais niyang ibenta ang nasabing boxing gloves.
“May purpose kasi, may magandang kapupuntahan kung saka-sakaling makuha mo ito. Kung ano man ang matatanggap ko rito, dadalhin ko doon sa dalawang [animal] shelter, madalas akong nagbibigay doon,” ani Nicolas.
At bilang patunay na kay Torre nga ang gloves, ipinakita niya pa ang video ng pagpirma nito.
Sa umpisa, in-offer ni Nicolas ang gloves sa halagang kalahating milyon, ngunit inamin ni Boss Toyo na ito’y mabigat.
“Kung bibili ako ng ₱500,000 na gloves, siyempre mga boxing gloves ng mga professionals like Sir Manny [Pacquiao],” anang kolektor.
Matapos ang higit sampung minutong usapan at tawaran, napagdesisyunan ng dalawa na isali na lamang sa nalalapit na auction ni Boss Toyo ang nasabing boxing gloves.
Vincent Gutirrez/BALITA