December 13, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Ang saysay sa kasaysayan ng laging nagmamadaling si Ninoy

BALITAnaw: Ang saysay sa kasaysayan ng laging nagmamadaling si Ninoy
MB file

‘I’d rather die a meaningful death than lead a meaningless life’ 

Hindi raw namamatay ang tao sa panahon na siya ay pumanaw. Bagkus, kapag ganap na nalimot na ng taumbayan ang bakas ng saysay na naiwan nila sa kasaysayan ng mundo. 

Taliwas ito sa iniwang marka ng katapangan ng dating senador na si Benigno Simeon “Ninoy” Aquino Jr.

Tuwing sasapit ang araw ng Agosto 21, karamihan sa mga Pilipino ay inaalala ang saglit ngunit isang makabuluhang pamumuhay ni Ninoy. 

BALITAnaw

BALITAnaw: Si Andres Bonifacio bilang unang biktima ng 'election related violence'

Ang taong binansagan bilang “Young Man in a Hurry” dahil sa kaniyang naging maikli ngunit makabuluhang pag-iral. 

Ayon sa nanay ni Ninoy na si Aurora Aquino, tingin niya na kaya laging nagmamadali si Ninoy sa mga bagay-bagay ay dahil alam niyang magiging maikli ang kaniyang buhay.

Si Ninoy, ayon sa tala ng mga talambuhay tungkol sa kaniya, ay makikitaan na ng kahusayan noon pa mang 17-anyos siya. 

Ipinanganak sa bayan ng Concepcion, Tarlac noong Nobyembre 27, 1932. Ang kaniyang mga magulang ay sina Benigno Aquino Sr. at Aurora Lampa-Aquino. Ikalawa sa pitong magkakapatid at kabilang sa isang kilalang pamilyang may-ari ng lupa na may mayamang kasaysayang pampulitika.

Madalas siyang nagtatanghal ng talumpati sa mga bisitang nagdaraan sa kanilang tahanan noong bata pa man. Sa murang edad ay nakapukaw na sa interes ng mga taong nasa pulitika. 

Nagkolehiyo si Ninoy sa Ateneo de Manila University sa kursong Bachelor of Arts in Philosophy na kalaunan ay lumipat sa Bachelor of Arts in History ngunit hindi niya ito natapos.

Kumuha rin si Ninoy ng kursong abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan naging miyembro siya ng samahang Upsilon Sigma Phi na isang kapatirang kinabibilangan din noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Sa paglipas ng panahon, nagsilbi si Ninoy bilang pinakabatang sumama sa giyera sa Korea noong 1950. Pinarangalan siya ni Pangulong Elpidio Quirino ng Philippine Legion of Honor, Degree of Officer dahil sa kaniyang pinakitang katapangan. 

Naparangalan din siya ni Pangulong Ramon Magsaysay ng Philippine Legion of Honor, Degree of Commander noong 1954 nang makipagnegosasyon siya sa bumuo noon ng samahang Hukbalahap na si Luis Taruc at mapasuko ito. 

Dito tuluyang nagsimula ang saysay niya sa kasaysayan ng pulitika. Naitalaga si Ninoy bilang pinakabatang alkade noon sa bayan ng Concepcion, Tarlac sa edad na 22-anyos. Siya rin ang naging pinakabatang pangalawang gobernador at kalauna’y naging gobernador sa edad 27-anyos noong 1959 sa naturang lalawigan. Naging pinakabatang senador na nahalal noon sa edad na 35-anyos noong 1967. 

Naging masugid na kritiko si Ninoy sa takbo at paraan ng pamamahala noon ng dating Pangulong Marcos. Kung paanong pinuna niya ang naging takbo ng eleksyon noong 1967 na puno ng putukan at pananakot. Sa kung paanong isinawalat niya ang hangarin ng dating pangulo noon na bumuo ng isang bansang nasa ilalim ng ‘estado militar.’ Pinuntirya rin niya ang labis na paggastos ng pamahalaan noon sa pagpapagawa ng mga imprastraktura halimbawa ng San Juanico Bridge at ang pinatayo noon ng dating First Lady Imelda Marcos na Cultural Center na nauwi sa katawagang “monumento ng kahihiyan.”

Sa pagtatapos ng unang termino ni dating Pangulong Marcos, tatangkain sana ni Ninoy na tumakbo bilang Pangulo ngunit agarang naputol ang hangarin niyang ito nang magproklama si Pangulong Marcos na ang bansa ay sasailalim sa Batas Militar. 

Nahuli si Ninoy kasama ng iba pang mga miyembro ng oposisyong tumutuligsa kay Pangulong Marcos. Dinala sila sa Kampo Crame at kalaunan ay sa Fort Santiago. Habang nasa kulungan, nakagawa si Ninoy ng 10 liham na tumutuligsa sa pangulo at ipinapadala niya ito sa kaniyang asawa na si Corazon Cojuangco-Aquino. Nailimbag ang mga ito sa Bangkok Post, isang pahayagan sa Ingles na naglalabas ng diyaro araw-araw noon. 

Dahil dito, binartolina si Ninoy kasama ni Jose “Pepe” Diokno sa Laur, Nueva Ecija noong Marso 12, 1973. Dinala ang dalawa sa naturang lugar noon nang nakapiring at nakaposas. 

Makalipas ang limang buwan ay ibinalik si Ninoy sa Fort Santiago at inakusahan ng iba’t ibang mga kaso ngunit imbis na umamin sa mga paratang ay gumawa siya ng isang talumpati. “Sirs: I know you to be honorable men. But the one unalterable fact is that you are subordinates of the President. You may decide to preserve my life, but he can choose to send me to death. Some people suggest that I beg for mercy. But this I cannot in conscience do. I would rather die on my feet with honor, than live on bended knees with shame,” aniya. 

Naudlot ang pandinig sa hukuman at ibinalik si Ninoy sa kaniyang selda. Ngunit napatawan ng sentensyang kamatayan noong Nobyembre 27, 1977 sa pamamagitan firing squad. 

Ngunit hindi ito natuloy at nakatakbo pa si Ninoy sa eleksyon noong 1978 kung binuo niyang LABAN party list. Nagkaroon ng pagkakataon si Ninoy na makita sa mga telebisyon sa mga pangangampanya pero hindi nakakuha ang samahan niya kahit ng isang boto sa Metro Manila at natalo sila kay Imelda Marcos. 

Natapos ang panahon ng kaniyang pananatili sa piitan nang atakihin siya sa puso noong 1980. Pinayagan siya ni Pangulong Marcos na makapagpagamot at magpagaling sa Dallas, Texas ngunit nauwi sila sa Newton, Boston, Massachusetts kasama ng kaniyang pamilya. 

Bagama’t nanatili na si Ninoy at ang kaniyang pamilya sa Newton, nakabantay pa rin ang kamalayan niya sa mga nangyayari sa bansa. Dito nagmula ang naging tanyag niyang talumpati na sinabi niya sa Los Angeles noong 1981 sa isang pagkilos para sa pagpapalaya ng bansa diktaduryang Marcos at ng batas militar. 

Dito ay sinabi niya na, “I have asked myself many times: Is the Filipino worth suffering, or even dying for? Is he not a coward who would yield to any colonizer, be he foreign or homegrown? Is a Filipino more comfortable under an authoritarian leader because he does not want to be burdened with the freedom of choice? Is he unprepared, or worse, ill-suited for presidential or parliamentary democracy? I have carefully weighed the virtues and faults of the Filipino and I have come to the conclusion that he is worth dying for.” 

“I’d rather die a meaningful death than lead a meaningless life,” ito ang naging sagot niya sa kabila ng pagtutol ng kaniyang pamilya sa kagustuhan niyang bumalik sa Pilipinas at humarap sa mga problemang kinakaharap ng bansa. 

Agosto 21, 1983 naging maugong sa mga Pilipino ang pagbabalik ni Ninoy. Dumagsa ang mga tao sa paliparan na kaniyang lalapagan. Nagtali ang mamamayan ng dilaw na ribbon sa paligid ng Manila International Airport. Kinakanta ng mga tagasuporta niya ang “Tie a Yellow Ribbon Round the Old Oak Tree.” Unti-unting tumaas ang pag-asa ng masang Pilipino. 

Ngunit isang pangyayari ang hindi inaasahan ng lahat. Binaril si Ninoy nang siya ay pababa na sana sa eroplanong kaniyang sinakyan. Nagulantang ang mga tao at ibang miyembro sa pulitika at oposisyon. 

Dumagsa ang humigit-kumulang na isang dosenang milyong bilang ng mga Pilipino upang iparating ang kanilang pagmamahal kay Ninoy. Umugong sa himig ng mga ito ang kantang Bayan Ko. Mas dadami ang mga Pilipinong magkakapoot sa gobyerno at estado ng bansa. Lilipas ang tatlong taon at magaganap ang Himagsikan ng Lakas ng Bayan o People Power Revolution sa EDSA. 

Kaugnay na Balita: BALITAnaw: Agosto Biente Uno: Ang pagpaslang kay Ninoy Aquino

Mc Vincent Mirabuna/Balita