Naghain si Senador Mark A. Villar ng panukalang “Teachers’ Home in School Act” na layong magtayo ng libreng tirahan para sa mga guro sa pampublikong paaralan, partikular para sa mga may malalayong biyahe o mapanganib na dinaraanan patungong trabaho.
Ayon kay Villar, malaking bilang ng mga guro ang nagbabayad ng upa sa maliliit na kwarto o napipilitang iwan ang pamilya upang makapagturo sa mga liblib na lugar. “Ang panukalang ito ay magbibigay sa kanila ng ligtas at disenteng matitirhan habang ginagampanan nila ang kanilang misyon,” aniya.
Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), 20.8 milyon ang naka-enroll sa pampublikong paaralan ngayong taong panuruan 2024–2025. Kasabay nito, inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagdaragdag ng 16,000 bagong posisyon para sa mga guro sa 2025–2026.
Sa ilalim ng panukala, ang DepEd at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mangangasiwa sa pagtatayo ng mga pasilidad, na popondohan mula sa badyet ng DepEd at Special Education Fund ng mga lokal na pamahalaan.
Binigyang-diin ni Villar na ang pag-aalaga sa kapakanan ng mga guro ay pamumuhunan para sa kinabukasan ng kabataan. “Kapag inuuna natin ang kanilang kaligtasan at kagalingan, mas napaghuhusay nila ang paghubog sa mga susunod na lider ng bansa,” dagdag niya.