Pinuntirya ng Chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform na si Senador Kiko Pangilinan ang mga dahilan sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain sa pandinig ng Senado umaga ng Lunes, Agosto 20.
Ayon sa pambungad na pahayag ng senador, tumataas na alalahanin niya at ng mamamayan ang usapin ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain at iba pang produkto.
“This hearing specificated in our filing of resolutions and the concern of our kababayan, ang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang mga bilihin,” panimula ni Pangilinan.
Naglatag ang senador ng mga datos ng lubhang pagtaas ng presyo sa karne, isda, bigas at iba pang mga produkto mula 2018 hanggang 2025.
“Ang presyo ng karneng baka ay tumaas na ng halos higit pa sa 50 percent increase. Ang presyo ng kasim [baboy], from 2018 to 2025, over 50 percent increase ang presyo per kilo. Ang tilapya, over 40 percent increase ang [presyo per] kilo. Ang bangus, over 40 percent increase [ang presyo] per kilo. Ang galunggong over 50 percent increase ang kilo. Ang itlog, over 50 percent increase ang piraso. Ang bawang, imported over 40 percent increase ang per kilo. Sibuyas over 30 percent increase, sibuyas [na] puti [ay] over 60 percent increase sa presyo since 2028. Ang kamatis, over 40 percent increase since 2018. Ang well milled rice, mga 20 percent ang increase. From 45 pesos to 55.8 pesos[...]” paglilinaw niya.
Inisa-isa rin ni Pangilinan ang mga tanong na nais niyang masagot kaugnay sa usapin ng pagtaas ng mga bilihin at dahilang nagpapahirap sa mamamayan.
“Ano ang mga problema sa hanay ng agrikultura at pagkain na nagbibigay-daan sa napakataas na presyo ng pagkain at iba pang mga bilihin at ano ang mga posibleng solusyon?” aniya.
Binalikan ni Pangilinan ang pag-amin noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Mayo na mga nasa likod ng gobyerno ang gumagawa ng ilegal rice smuggling at pumuprotekta sa mga ito.
“[...] Sabi ni President Marcos, inamin niya sa sarili niyang mga salita, na mga opisyal ng gobyerno ang nasa likod ng [illegal] rice smuggling at [ang] nag-i-smuggle [ay] mga opisyal din ng gobyerno[...]” anang senador.
Sa pagpapatuloy ni Pangilinan, itinanong niya sa pandinig kung bakit sa lumipas na tatlong buwan ay wala pa ring nananagot o nasasampahan ng kaso na mga ilegal na importers at smugglers.
“Tatlong buwan mula noon, three months of hunger, rising of prices, [about] farmers’ drowning and loses, and yet, nasaan ang mga opisyal na ito? Sino sila at bakit wala pang nasasampahan ng kaso o [kung mayroon man] wala pang nakukulong?” pagtataka ni Pangilinan.
Binigyang-diin ng senador na problemang dapat maresolbahan agad ang pinag-uusapan sa pandinig ng Senado.
“Problema ito na urgent at ang urgency [ay] kailangang [agad] kumilos. Hindi makakapaghintay ang gutom[...]” ayon kay Pangilinan.
Nilinaw niya na sisilipin nila lahat ang mga dahilan sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain at aalamin kung sino ang dapat managot na mga nagpoprotekta sa mga illegal smuggler, importer, broker at iba pa nilang posibleng kasabwat.
“Bubunutin natin sa ugat ang problema sa dulo ng ating pandinig[...] Malalaman din natin kung sino ang dapat managot sa likod ng patuloy na pagtaas ng presyo [at] mga protector ng smuggler mismo, at mga importer at broker na [kanilang] kasabwat,” saad ni Pangilinan.
Pagtatapos niya, “mga kababayan, ang tanong ngayon ay hindi kung kaya ba natin tapusin ang smuggling. Ang [tunay na] tanong, may tapang ba tayong lahat na mga lingkod bayan na narito, kasama ang private sectors, na panagutin ang sarili nating mga kasamahan at ang mga matagal nang kumikilos sa usapin ng pang-aabuso sa ating mga proseso ng importasyon? Gaano kataas ang kanilang mga posisyon [at] gaano kalaki ang kanilang kinukobra?”
Samantala, nauna nang banggitin ng senador na magkakaroon pa ng dalawang susunod na pandinig ang Senado sa darating na Agosto 21 at Setyembre 01, 2025 upang pag-usapan ang mga tungkol sa Rice Tarification Amendments at mga isyu sa smuggling, importation of rice at iba pang mga produkto.
Mc Vincent Mirabuna/Balita