Naaktuhan sa video ng mga estudyanteng kalalakihan ang pagsalpok ng motorsiklo sa umaandar na tren sa Philippine National Railways (PNR) sa isang crossing sa Calamba, Laguna.
Sa Facebook video na inupload ni Rubilyn Rodriguez Abelar noong Martes, Agosto 19, maririnig na malayo pa lang sa crossing ng PNR sa Barangay Bucal, Calamba City, Laguna ay bumubusina na ang tren.
Mayroon namang mga awtoridad na namamahala sa pagtawid ng mga sasakyan sa riles.
Ngunit nang mismong nasa crossing na ang mabilis na takbo ng tren, huli sa video ng uploader ang pagsalpok sa kanang bahagi ng tren ng isang rider sakay ng kaniyang motorsiklo.
Inabutan ng mga residente ang babaeng driver ng motorsiklo na nakahandusay at wala nang malay sa tabi ng riles habang ang kaniyang sasakyan ay nakaladkad ilang metro bago pa magawang makatigil ng tren.
Nakilala ang pagkakakilanlan ng rider bilang si Abigail Toledo ayon sa kaniyang suot na I.D.
Samantala, wala pang inisyal na ulat kaugnay sa mga kasunod pang nangyari.
Mc Vincent Mirabuna/Balita